BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS »

Uhaw ang Tigang na Lupa ni Liwayway A. Arceo

1

Ilang gabi nang ako ang kapiling niya sa higaan. Tila musmos akong dumarama sa init ng kanyang dibdib at nikikinig sa pintig ng kanyang puso. Ngunit, patuloy akong nagtataka sa malalim na paghinga niya, sa kanyang malungkot na pagtitig sa lahat ng bagay, paghikbi...

2

Ilang araw ko nang hindi nadadalaw ang aklatan: ilang araw ko nang hindi nasasalamin ang isang larawang mahal sa akin: bilugang mukha, malapad na noo, hati-sa-kaliawang buhok, singkit na mga mata, hindi katangusang ilong, mga labing duyan ng isang ngiting puspos-kasiyahan...Sa kanya ang aking noo at mga mata. Ang aking hawas na mukha, ilong na kawangki ng tuka ng isang loro, at maninipis na labi, ay kay Ina...

3

Sa Ina ay hindi palakibo: siya ay babaing abilang at sukat ang pangungusap. Hindi niya ako inuutusan. Bihira siyang magalit sa akin at kung nagkakagayon ay maikli ang kanyang pananalita: Lumigkit ka!...At kailangang ‘di ako makita. Kailangang ‘do ko masaksihan ang kikislap na poot sa kanyang mga mata. Kailangang ‘di ko namamalas ang pagkagat niya sa kanyang labi. Kailangang ‘do ko na makita ang panginginig ng kanyang mga daliri. Ito rin ang katumbas ng kanyang mariing huwang kung mayroon siyang ipinagbabawal.

Ang ngiti ni Ina ay patak ng ulan kung tag-araw: ang bata kong puso ay tigang na lupang uhaw na uhaw...

4

Minsan man ay hindi ko narinig na may pinagkagalitan sila ni Ama bagama’t hindi ko mapaniwalaang may magkabiyak ng pusong hindi nagkakahinampuhan. Marahil ay sapagkat kapwa sila may hawak na kainawaan: ang pagbibigayan sa isa’t isa ay hindi nalilimot kailanman.

5

Kung gabi ay hinahanap ko ang kaaliwang idinudulat ng isang amang nagsasalaysay tungkol sa mga kapre at nuno at tungkol sa magagandang ada at prinsesa; ng isang nagmamasid at nakangiting ina; ng isang pulutong ng nakikinig na magaganda at masasayang bata.

Ngunit, sa halip niyon ay minalas ko si Ama sa kanyang pagsusulat; sa kanyang pagmamakinilya; sa kanyang pagbabasa. Minamasdan ko kung paano niya pinapangunot ang kanyang noo; kung paano niya ibinubuga ang asong nagbubuhat sa kanyang tabako; kung paano siya titingin sa akin na tila may hinahanap; kung paano niya ipipikit ang kanyang mga mata; kung paano siya magpapatuloy sa pagsulat...

Si Ina ay isang magandang tanawin kung nanunulsi ng mga punit na damit; kung nag-aayos ng mga uhales at nagkakabit ng mga butones sa mga damit ni Ama. Sa kanyang pagbuburda ng aking mga kamison at panyolito – sa galaw ng kanyang mga daliri – ay natutunghan ko ang isang kapana-panabik na kuwento. Ngunti, ang pananabik na ito’y napapawi.

Kabagu-tbagot ang aking pag-iisa at ako ay naghahanap ng kasama sa bahay: isang batang marahil ay nasa kanyang kasinungalingang gulang o isang saggol na kalugud-lugod, may ngiti ng kawalang-malay, mabango ang hininga, may maliit na paa at kamay na nakatutuwang pisilin, may mga pisngi at labing walang bahid-kasalanan at kasiya-siyang hagkan, o isang kapatid ba kahulihan ng gulang, isang maaaring maging katapatan...

6

Sakali mang hindi nagkagalit si Ina at Ama, o kung nagkakagalit man ay sadyang hindi ipinamamalay sa akin, ay hinahanap ko rin ang magiliw na palitan ng mga titig, ng mga ngiti, ng mga biruan.

Sapat na ang isang tuyot na aalis na ako sa pagpapaalam ni Ama. Sapat na ang naningil na ang maniningil sa ilaw o sa tubig o sa telepono upang sakupin ang panahong itatagal ng isang hapunan. Sapat na panakaw sa sulyap ni Ama upang ipadamang may naririnig siya.

Mabibilang sa mga daliri ng aking dalawang kamay kung makailan kaming nagpasyal: Si Ama, si Ina at ako. Malimit na ako ang kasama ni Ina; hindi ko nakitang sinarili nila ang pag-aaliw.

7

Inuumaga man si Ama sa pag-uwi kung minsan ay hindi ko kinapapansinan ng kakaibang kilos si Ina. Nahihiga rin siya pagdating ng mga sandali ng pamamahinga at kung nakatutulog siya o hindi ay hindi ko matiyak.

Marahil ay ito ang tunay na madarama ng kataling-puso ng isang taong inaangkin ng madla...

Ngunit, walang pagsisisi sa kanyang tinig.

8

Ilang taon na ngayon ang nakaraan nang minsang may ibinalik na aklat ang aming tagapaglaba: yaon daw ay nakuha niya sa isang lukbutan ng amerikana ni Ama. Ibinigay ko yaon kay Ina: yaon daw ay talaarawan ni Ama.

Kinabukasan ay may bakas ng luha ang mga mata ni Ina. Kapansin-pansin ang lalo niyang hindi pagkabo buhat noon. Lalo siyang naging malungkot sa aking paningin.

Ano ang nasa isang talaarawan?

9

Lasing na lasing si Ama. Karaniwan nang umuuwing lasing si Ama ngunit, kakaiba ang kalasingan niya nagyong gabi. Hinihilamusan siya ni Ina ng malahiningang tsaa, ngunit wala itong naibigay na ginhawa.

Hindi rin kumikino si Ina: nasa mga mata niya ang hindi maipahayag na pagtutol.

Sapagkat may isusulat ako...sapagkat ikamamatay ko ang pighating ito...sapagkat...sapagkat...sapagkat...

10

Idinaraing ngayon ni Ama ang kanyang dibdib at ulo: hindi raw siya makahingang mabuti.

Marahil ay may sipon ka, ani ina. Sinisinat ka nga.

Isang panyolitong basa ng malamig na tubig ang itinali ko sa ulo ni Ama. Wala siyang tutol sa aking ginagawa. Sinusundan niya ng tingin ang bawat kilos ko.

Ang kanyang mga bisig, buhat sa siko hanggang sa palad, at ang kanyang binti, buhat sa tuhod hanggang sa mga talampakan, ay makailan kong binuhusan ng tubig na mainit na inakala kong matatagalan niya – tubig na pinaglagaan ng mga dahong ng alagaw. Kinulob ko siya ng makakapal na kumot matapos na inumin niya ang ibinigay kong mainit na tubig na pinigaan ng kalamansi.

Nakangiti si Ama: Manggagamot pala ang aking dalaga!

Sinuklian ko ng isang mahinang halakhak ang ngiti niyang yaon: hindi ako dating binibiro ni Ama.

Sana’y ako si na sa mga sandaling yaon: sana’y lalo kong ituturing na mahalaga ang nadarama kong kasiyahan...

11

Nabigo ako sa aking pag-asa: nakaratay nang may ilang araw si Ama. Halos hindi siya hinihiwalayan ni Ina: si ilalim ng kanyang mga mata ay may mababakas na namang maiitim na guhit.

Anang manggagamot ay gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya. Ngunit, ayaw niyang ipagtapat sa akin ang karamdaman ni Ama.

12

Ipinaayos ngayon ni Ama ang kanyang hapag. Nililinis ko ang kanyang makinilya. Idinikit ko ang kagugupit na kuwentong kalalathala pa lamang. Pinagsama-sama ko ang mga papel sa kanyang mga kahon.

Ang pang-ilalim na kahon ng kanyang hapag ay nagbigay sa akin ng hindi gagaanong pagtataka: may isang kahitang pelus na rosas at isang salansan ng mga liham. Maliliit at mga bilugang titik bughaw na tinta sa pangalan ni Ama sa kanyang tanggapan ang mga nasa sobre.

13

Ang larawan sa kahitang pelus ay hindi yaong hawas na mukha, may ilong na kawangki ng tuka ng isang loro, maninipis na labi. Sa likod niyon ay nasusulat sa maliliit at bilugang mga titik sa bughaw na tinta: Sapagkat ako’y hindi makalimot... Ang larawan ay walang lagda ngunit nadama ko ang biglang pagkapoot sa kanyang at sa mga sandaling yaon ay natutuhan ko ang maghinanakit kay Ama.

14

Bakit sa panahong ito lamang tayo pinaglapit ng pangyayari? Higit marahil ang aking katiwasayan kung hindi ka dumating sa aking buhay, bagamat hindi ko rin marahil matitiis na hindi maipagpalit ang aking kasiyahan sa isang pusong nagmamahal. Totoong ang kalagayan ng tao sa buhay ang malimit maging sagwil sa kanyang kaligayahan...

15

Naiwan na natin ang gulang ng kapusukan; hindi na tayo maaaring dayain ng ating nadarama. Ngunit, nakapagitan sa atin ngayon ang isang malawak na katotohanang pumupigil sa kaligayahan ang hindi natin maisakatuparan ay buhayin na lamang natin sa alaala. Panatilihin na lamang natin sa diwa ang katamisan ng isang pangarap; sana’y huwag tayong magising sa katotohanan...

16

Nakita ko siya kagabi sa panaginip; sinusumbatan niya ako. Ngunit, hindi ko balak ang magwasak ng isang tahanan. Hindi ko maatim na mangnakaw ng kanyang kaligayahan; hindi ko mapababayaang lumuha siya dahil sa akin. Ang sino mang bahagi ng iyong buhay ay mahal sa akin; ang mahal sa akin ay hindi ko maaaring paluhain...

17

Ang pag-ibig na ito’y isang dulang ako ang gumaganap ng pangunahing tauhan; sapagkat ako ang nagsimula ay ako ang magbibigay-wakas. Ipalagay mo nang ako’y nasimulang tugtuging nararapat tapusin. Gawin mo akong isang pangarap na naglalaho pagkagising. Tulungan mo akong pumawi sa kalungkutang itong halos pumatay sa akin...

18

Ngunit, bakit napakahirap ang lumimot?

19

Nadama ko ang kamay ni Ina sa aking kanang balikat: noon ko lamang namalayan na may pumasok sa aklatan. Nakita niya ang larawang nasa kahitang pelus na rosas. Natunghan niya ang mga liham na nagkalat sa hapag ni Ama.

Si Ina ay dumating at lumisang walang binitiwang kataga. Ngunit, sa kanyang paglisan ay muling binati ng kanyang palad ang aking balikat at nadarama ko pa ang salat ng kanyang mag daliri; ang init ng mga iyo, ang bigat ng kanilang pagkakadantay...

20

Ang katahimikang namagitan sa amin ni Ina ay hindi pa napapawi. Iniiwasan ko ngayon ang pagsasalubong ng aming mga titig; hindi ko matagalan ang kalungkutang nababasa ko sa mga paninging yaon.

21

Hiningi ni Ama ang kanyang panulat at aklat-talaan. Nguni, nang mapaniwala ko siyang masama sa kanyang ang bumangon ay kanyang sinasabi: Ngayon ay ang aking anak ang susulat nang ukol sa atin...At sa anya’y isang dalubhasang kamay ang uukit niyon sa itim na marmol. Ngunit, hindi ko maisatitik ang pagtutol na halos ay pumugto sa aking paghinga.

Nasa kalamigan ng lupa ang kaluwalhatian ko!

Kailanman ay hindi ko aangkining likha ng aking mga daliri ang ilang salitang ito.

22

Huwag kang palilinlang sa simbuyo ng iyong kalooban; ang uang tibok ng puso ay hindi pag-ibig sa tuwina...Halos kasinggulang mo ako nang pagtaliin ang mga puso namin ng iyong Ina...Mura pang lubha ang labingwalang taon...Huwag ikaw ang magbigay sa iyong sarili ng mga kalungkutang magpapahirap sa iyo habang-buhay...

Muli kong nadama ang tibay ng buhol na nag-uugnay ng damdamin ni Ama sa akin.

23

Kinatatakutan ko na ang malimit na pagkawala ng diwa ni Ama.

Si Ina ay patuloy sa kanyang hindi pagkibo sa akin, patuloy sa kanyang hindi pag-idlip, patuloy sa kanyang pahluha kung walang makakita sa kanya...

24

Ang kanang kamay ni Ina ay idinantay sa noo ni Ama at ang pagtatanan ng isang nais tumakas na damdamin sa kanyang dibdib ay tinimpi ng pagdadaop ng kanyang ngipin sa labi.

Naupo siya sa gilid ng higaan ni Ama at ang kaliwang kamay nito ay kinulong niya sa kanyang mga palad.

Magaling na ako, mahal ko...magaling na ako...sa muli mong pagparito ay sabihin mo sa akin kung saan tayo maaaring tumungo...ang moog na itong kinabibilangguan ko’y aking wawasakin...sa ano mang paraan...sa ano mang paraan...

Ang malabubog na tubig na bumabakod sa mga pangingin ni Ina ay nabasag at ilang butil niyo ang pumatak sa bisig ni Ama. Mabibigat na talukap ang pinilt na iminulat ni Ama at sa pagtatagpo ng mga titig nila ay gumuhit sa nanunuyo niyang labi ang isang ngiting punung-puno ng pagbasa. Muling nalapat ang mga durungawang yaon ng isang kaluluwa at hindi niya namasid ang mga matang binabalungan ng luha: ang mga salamin ng pagdaramdam na hindi mabigkas.

25

Nasa mga palad pa rin ni Ina ang kaliwang kamay ni Ama:Sabihin mo, mahal ko, na maaangkin ko na ang kaligayahan ko...

Kinagat ni Ina nang mariin ang kanyang labi at nang siya’y mangusap ay hindi ko naaming kay Ina ang tinig na yaon:Maaangkin mo na, mahal ko!

Ang init ng mga labi ni Ina ang kasabay ng kapayapaang nanahanan sa mga labi ni Ama at nasa mga mata man niya ang ilaw ng pagkabigo sa pagdurugtong sa isang buhay na wala nang luhang dumadaloy sa mga iyon: natitiyak niya ang kasiyahang nadama ng kalilisang kaluluwa...


Ang maputing ulap sa maaliwalas na langit ay matingkad na nakukulayan, parang bahaghari. Mabilis na papunta sa kanluran ang lumulubog na araw.

Dahil tapos nang magalaba, mabagal na tumayo si Lian-chiao sa tabi ng balon. Sandali siyang napapikit nang maramdamang tila may mga bituing lumilipad sa harap niya, gustong mawala ang mga bituing nakahihilo. Si Siao-lan, ang anak niyang babae na tatlong taong gulang ay hubad na nakaupo sa tabi ng palanggana at naglalaro ng tubig.

“Inay, tapos na po ba kayong maglaba? Ako na ang magsasampay.” Si Ah Yue iyon na mas matanda kay Siao-lan ng mga tatlo o apat na taon. Nagdidilig siya ng mga gulay na Chai-sim sa kabilang gilid. Nang makitang tapos nang maglaba ang ina, mabilis siyang tumakbo para kunin ang mga labada at isampay sa alambreng nakatali sa dalawang poste sa loob ng kubong walang dingding.

Hindi sinagot ni Lian-chiao si Ah Yue. Tumango lamang siya, nakatayo pa rin at nakapikit—nagpipilit na mabawi ang lakas. Payat siya at maliit, mga biente-singko anyos, at nakasuot ng kupas na asul na sam-fu. Medyo nakangiwi ang kanyang mga labi. May pangit at nangingitim na bukol sa kanyang noo. Halatang napalo siya ng isang matigas na bagay kamakailan lamang. Malaki ang kanyang tiyan. Madaling mapansing nagdadalantao siya at malapit nang manganak.

Nang dumilat si Lian-chiao, nakatayo na si Ah Yue sa isang bangkito at isa-isang isinampay ang mga damit sa alambre. Dahil mataas ang alambre, kailangang tumingkayad siya at tumingala. Habang minamasdan ang maliit na katawan niyon at ang alanganing paraan ng pagsasmpay ng mga damit sa alambre, biglang nahabag si Lian-chiao. Mahina niyang sinabi, “Ah Yue, mag-ingat ka. Baka ka mahulog!”

“Opo!”, sagot ni Ah Yue. Bigla iyong pumihit, nangangambang tumingin at nagtanong, “Inay, luto nab a ang hapunan? Kung hindi, kagagalitan at bubugbugin na naman tayo ni itay!”

Nakapukaw kay Lian-chiao ang huling sinabi niyon. Bigla siyang kinabahan. Kahit mayroon pang kaning lamig na natira sa pananghalian, lulutuin pa ang mga gulay. Kapag walang nakain, pag-uwi ang asawa niyang sugarol, tiyak na may mangyayari. Hindi sinasadya’y nahipo niya ang namamagang bahagi ng noo. Tuamahip ang kanyang puso. Nagmamadali siyang naligo sa tabi ng balon at pagkatapos ay tinulungansi Siao-lan sa paglilinis ng katawan nito. Pinuno niya ang dalawang bald eng tubig at kinarga ang mga ito sa pingga pauwi.

Ang nakahilis na sinag ng lumulubog na araw ay tumama sa kanyang katawan, sa malaki at bilog na tiyan, sa dalawang umuugang balde ng tubig sa pingga, sa umiika niyang paa, at sa hubad na si Siao-lan na naglalakad sa kanyang likuran, palinga-linga.

Pagod na si Lian-chiao sa walang tigil na pagtatrabaho, ngunit hindi siya puwedeng magbagal ng kilos. Mabilis niyang sinindihan ang apoy sa pugon, hiniwa ang mga gulay, pinakulo ang tubig, nilinis ang mga kawali at iba pang kasangkapan sa kusina.

Ang pugon ay yari sa luwad at may mga gatla na sa iba’t ibang bahagi. Sa tabi ng pugon ay may maliit na lalagyan ng panggatong. Wala na iyong laman. Kinakailangang isantabi muna ni Lian-chiao ang sipit ng kalan para manguha ng panggatong. Tumulong si Siao-lan at may dalang isa o dalawang piraso tuwing papasok, ikinakalat sa lahat ng lugar.

Abala sa gawain si Lian-chiao.Tinanglawan ng liwanag na namumula sa apoy ang mga guhit ng pagod at puyat sa kanyang mukha. Walang makasisisi sa kanya. Mula alas-sais ng umaga, nang bumangon siya para maghanda ng almusal, hindi na siya natigil sa paggawa hanggang ngayon maliban sa sandaling pahinga noong tanghalian. Noong umaga’y nanguha siya ng mga punla ng palay at itinanim sa bukid, at noong hapon ay nagsibak siya ng kahoy na panggatong at namitas ng ta-feng-ho isang damong panggamot nagagamitin niyang pampaligo pagkapanganak. Malapit nang isilang ang sanggol at hindi maaaring hindi siya handa. Kung hindi niya ihahanda agad ang mga kailanga, anong mangyayari sa bahay kung bigla na lang siya ipasok sa ospital? Walang alam ang sugarol niyang asawa kundi humilata sa kama sa kuta ng opyo at magmadyong araw-araw sa Hsiang Chi Coffee Shop. Kung hindi niya aasikasuhin ang mga bagay-bagay ngayon, sino ang tutulong sa kanya? Bukod sa gawain sa bahay, kailangan niyang lagyan ng pataba ang mga gulay at pipino na nakatanim sa gilid ng kanyang bahay, at bunutin ang ligaw na damo. Kung hindi ay bubugbugin siya ng kangyang asawa kapag nagging masama ang ani. Masakit pa nga ang kanyang noo dahil sa suntok nito dalawang araw na ang nakararaan dahil nagkamali siyang sagutin iyon.

“Sssst…” Inilagay niya sa kawali ang mga dahon ng kamote. Ang buong bahay ay napuno ng bango ng nilulutong gulay.

Nakaupo si Siao-lan sa loobg ng bahay, dinidilaan ang mga labi at tinitignan ang nakatatandang kapatid na nakatyao pa rin sa kuwadradong bangko sa labas.

Di kaginsa-ginsa’y isang tinig na tila tunog ng basag na kampana na nagbuhat sa labas ng pinto. “Ah Yue! Hindi ka ba natatakot mahulog diyan? Ang taas ng naaakyat mo, ha? Gusto mo nab a dalawin ang hari ng kadiliman?”

“Itay… Nagsasampay lang ako…”, kiming sagot ni Ah Yue.

Halos kasimbilis ng kidlat, isang parang-kawayang lalaki ang pumasok sa bahay at sandaling tumayo, galit. “Lintik! Gabi na’y hindi pa luto ang hapunan. Umalis ka ba para hanapin ang kalaguyo mo?”

“Sandali na lang…maluluto na… Ipiprito ko na lang ang inasinang isda. Pagkatapos…pagkatapos ay puwede na tayong… maghapunan.” Walang lakas ng loob si Lian-chiao na tumingala man lamang. Inilagay niya sa isang plato ang pinipritong talbos ng kamote at naglagay pa ng ilang patak ng langis sa kawali. Bahagyang nanginginig ang kanyang mga kamay habang hinuhugasan ang inasinang isda. Hindi siya naglakas-loob na tumutol sa ingay ng kanyang asawa.

Si Li Hua, ang asawa ni Lian-chiao, ay larawan ng isang tunay na manghihithit ng opyo:payat at matangkad, may maiitim na ngipin at namumulang mga mata. Matapos nakapamaywang na sinigawan ang bawat isa, nagsimula siyang maghubad, at marahas na nagtanong, “Handan a ba ang tubig na pampaligo?”

“Ihahanda ko na ang tubig,ihahanda ko na…”

Mabilis niyang itinabi ang siyansi, ibinuhos ang isang kaldero ng kumukulong tubig sa isang balde na kauuwi lamang niya. Pagkatapos ay binuhat iyon nang dalawang kamay sa luma at sira-sirang banyo. Yukung-yuko siya dahil sa bigat ng tubig. Umaalog ang malaki niyang tiyan, at nakangiwi ang maputlang mukha, nagpapakita ng hirap at marahil ay kawang-pag-sa.

Sumagitsit sa kawali ang inasinang isda dahil sa init ng mantika.

“Masusunog na ang inasinang isda. Hindi mo ba naaamoy? Napakabagal mong kumilos. Wala kanga lam kundi kumain!” Walang tigil sa pagmumura sa asawa si Li Hua habang ang babae’y papunta sa banyo.

Nagtago sa isang sulok ng bahay ang dalawang bata, nanginginig sa takot. Hindi sila nagkalakas-loob na magsalita. Kabisado na nila ang nangyayari, baka natalo na naman sa sugal si Li Hua.

Pagkatapos kumain at habang pinupunasan ang nagmamantikang nguso, kinuha ni Li Hua ang lalagyan ng tsa. Humigop siya ng kaunting tsa at pagkatapos ay, “Pwe!”, lumura sa lupa. Niligis ng kanan niyang paa ang malapot na laway sa sahig.

Inaakalang aalis na naman ang lalaki, mabilis na ibinaba ni Lian-chiao, na kumakain pa, ang mangkok at chopsticks, at nagkakandautal na, “Ama ni Ah Yue, aalis ka na naman? Ako’y…”

“Ano? Hindi ako aalis!” Napakalakas ng boses ni Li hua. “Natalo ako ng biente dolyar ngayong hapon sa Hsiang Chi Coffee Shop. Bakit hindi ako babalik para makabawi ang natalo sa akin? Pag hindi ako nanalo ngayong gabi hindi ko na tatawagin ang sarili kong eksperto sa madyong!”

“Puwede bigyan mo ako ng ilang dolyar? Nag-order ako ng dalawampung itlog kay Ying… Malapit na akong manganak. Kailangang bumili ako ng ilang itlog para lutuin sa luya at alak.” Minasdan ni Lian-chiao ang malaki niyang tiyan. Masyadong mahina at mababa ang kanyang boses.

Nang marinig na kailangan niya ng pera, biglang nagtaas ng kilay si Li Hua. Lalong pumula ang mga mata niyang dati nang namumula. Ibinuka niya ang bibig, ipinakikita ang dalawang hanay ng bungi-bungi at maiitim na ngipin. “Hindi! Hindi! Sinong may sabi sa iyong bumili ka ng masarap ba pagkain kung wala kang pera? Kung kaya mong mag-order, bakit hindi mo kayang magbayad?”

Lumura na naman sa sahig ang lalaki at dinilaan and nguso. Humakbang ang mahahaba niyang binti at lumabas ang tila-kawayan niyang katawan.

Nakatayo sa gitna ng bahay si Lian-chiao, nakabuka ang medyo laylay na bibig, natitigilan at hindi makakilos.

Mahangin at maginaw nang gabing iyon. Habang nakahigang walang tinag sa matigas na higaang kahoy, hindi makatulog si Lian-chiao. Naglalakbay ang kanyang isip. Kahit pago na pagod siya at mabigat na ang mga mata pagkatapos ng maghapong pagtatrabaho, gising na gising pa rin ang kanyang isip.

Ang mga lumipas na pangyayari ay parang ulap sa bundok na mabagal na pumapailanglang sa lambak, naaanod, naaanod—kasinggaan ng usok. Sa lahat ng mga taong patay na o buhay pa, ang larawan ng kanyang ina ang namumukod na lumalantad. Sa kagustuhang magkaapo kaagad, pinag-asawa nito ang tila bulaklak na anak niya—si Lian- Chiao na kinse anyos pa lamang noon. At ang masama pa, sa kasabikang magkaroon ng mainam na buhay pagtanda niya, at laban sa payo ng mga kamag-anak at kaibigan nila, pinili niya para maging manugang si Li Hua, na anak ng noo’y isang mayamang negosyante. Lahat ng kanyang pag-asa ay nabigo. Isang taon pagkaraang makasal si Lian-chiao at lumipat ng bahay, ang ina’y namatay sa kanser sa dibdib. Paano niya malalaman na dahil sa ipinagkasundong kasal, mawawala sa kanyang anak ang katahimikan at kaligayahan sa buong buhay nito?

Nagbuntung-hininga nang malalim si Lian-chiao. Nanlabo ang kanyang mga mata dahil sa luhang napigil ang pagpatak. Ngayon, ang taong lumilitaw sa isip niya ay ang kanyang asawa, ang walang silbi at tila kawayang siLi Hua. Winaldas niyang lahat ang manang iniwan ng ama niya. Marami siyang bisyo: pagsusugal, paglalasing, paghithit ng opyo, pagpunta sa bahay-aliwan…eksperto siya sa lahat ng ito. Ang pinakamalakas na dagok kay Lian-chiao ay ang pagkamapamahiin ni Li Hua. Naniniwala ito sa manghuhulang nagsabi na pulos babae ang isisilang ni Lian-chiao at hindi ito kailanman maghahatid sa kanya ng yaman o suwerte. Sa madaling sabi, si Lian-chiao ang pinanggagalingan ng kasawiang-palad. Dahil dito, napakasama ng pakikitungo niya kay Lian-chiao.

Walang magawa si Lian-chiao kundi tahimik na pagtiisan ang hindi makatwiran at kung minsan ay malupit na pakikitungo nito sa kanya. Kung nagkaroon siya ng lakas ng loob na magmaktol at mangatwiran, mandidilat agad iyon, at luluraan sa mukha mismo, humihiyaw, “Ikaw ang sumpa ng pamilya! Sinong may sabi sa iyong magpakasal ka sa akin? Luka-luka! Kung gusto mong lumayaw, puwede ka nang lumayaw ngayon din. Alis! Alis! Sinong pumipigil sa iyo?...”

Tumulo sa pisngi ang luha ni Lian-chiao. Dahan dahan siyang bumaling.

Nasipa na nina Ah Yue at Siao-lan ang kumot. Mahimbing na natutulog ang dalawa, magkayakap. Kinuha ni Lian-chiao ang kumot at itinakip sa kanila. Pumikit siya ngunit hindi pa rin makatulog. Nag-aalala siya. Malapit na siyang manganak. Makukunan kaya siya? Mahirap sabihin. Sa kabila ng kanyang pagbubuntis, kailangan niyang magbuhat ng mabibigat na bagay—kasimbigat ng animnapu o pitumpung katies araw-araw. Mga ilang araw pa lang ang nakararaan ay bumagsak siya habang nagsisibak ng kahoy na panggatong. Sino ang gagarantiyang hindi naapektuhan ang bata sa loob ng kanyang tiyan? Halimbawang malaglag ang bata, at mamatay siya, sino ang humahalinghing, “Ang tiyan ko…masakit…dalhin agad…dalhin ninyo ako sa ospital…”

“Ano? Ngayon na? Mananalo ako sa larong ito. Sandali. Pung! Ang galing! Ang gandang pitsa ito. Ito talaga ang kailangan ko. Ha, ha! Quadruple! Unang apat, pangalawang apt…isang libo dalawang daan at walumpu at dalawang libo limang daan at animnapu!”

Malaki and panalong iyon. Nagsimula siya sa ilang chips lamang ngunit ngayon ay isang bunton na ang nasa harap niya. Tuwang tuwa si Li Hua at hindi niya mapigil ang kakatawa, maluwang na maluwang ang nangingitim na bibig. Habang sinasamsam at inaayos ang mga chips, ngumiti siya sa taong nakaupo sa harap niya. “Ha, ha, Lumpong Chun! Napakagaling nitong siyamnapung libong galing sa iyo! Napakagaling! Ha, ha…”

“Ai-yo…yo…”

“Hoy lumakad ka na. Manganganak na ang misis mo!, may humimok kay Li Hua.

Walang magawa si Li Hua kundi hilingin sa isang miron na maglaro para sa kanya. Galit na tinignan niya si Lian-chiao at nag-aatubiling tumayo. Pumayag ang maybahay ng towkay na ipaarkila sa kanya and Morris Minor nito sa dalawang dolyar bawat oras, at dodoblehin sa gabi.

Tinulungan ng maybahay si Lian-chiao na makasakay sa kotse. Si Li Hua, na umuungol pa ay nagpunta sa kasilyas sa likod ng kapihan.

Bagamat hindi na gaanong humihilab ang tiyan niya,balisa si Lian-chiao. Bigla siyang nakakita ng ilaw ma mabilis na papalapit sa dako nila. Bahagyang kumislap ang munting ilaw, dahil marahil sa hangin. Habang papalapit iyon ay nakita niya si Ah Yueng pangku-pangko ang nakababatang kapatid. Kapwa sila umiiyak at namumula na ang kanilang mga mata.

“Ah Yue, Ah Yue! Bakit dinala mo rito ang kapatid mo? Sisipunin kayo!” Lumabas sa kotse si Lian-chiao, nilapitan ang maliliit na batang babae, hindi malaman kung ano ang gagawin.

Humagulgol ng iyak si Siao-lan… Kaagad siyang inaliw ni Lian-chiao.

Habang pinapahiran ang luha a ilong, marahang nagssaita si Ah Yue, “Nagising ako sa iyak ni Siao-lan. Hinahanap niya ang nanay. Hindi ko Makita si nanay sa bahay. Naisip kong baka narito kayo, kaya dinala ko siya dito…”

Nang malaman ni Ah Yuen a papunta sa ospital ang kanyang ina, kumbot ng kaunti ang ilong nya at ang bibig niya ay lumaylay sa mga sulok. Luhaan ang mga mata niya.

“Kokak,kokak…”Umiiyak ang mga palaka sa mga pilapil sa gawing kaliwa ng maliit na kalsada. Binasag ng malungkot nilang pagkokak ang katahimikan ng gabi.

Muling bumugso ang hangin. Tuluyan nang namatay ang ilaw sa gasera. Si Lian-chiao at ang lahat ng bagay sa kanyang paligid ay dagling nakulong sa kadiliman. Hindi siya makasulong at hindi din siya makaurong ilang sandal siya tumayo roon, walang tinag at hindi malaman ang gagawin. Parang hinihiwa ng isang matalim na kutsilyo ang tiyan niya. Natutuliro siya at nahihilo. ”Kras.” Nalaglag ang gasera mula sa nanginginig niyang mga daliri,nagkapira-piraso. Hindi na maisip ni Lian-chiao kung ano ang nangyayari. Sinapo niya ng dalawang kamay ang kanyang ulo, nagpupumilit na manatili siyang nakatayo.

Pagkalipas ng ilang sandali, medyo nanumbalik ang lakas ni Lian-chiao at unti-unting nasanay ang mga mata niya sa dilim. Lumakad siyang muli, mabagal, hindi matatag. Kung ilang beses na halos madapa siya dahil sa madulas na kalsada. Madalas siyang huminto dahil sa sumusumpong na sakit. Tatayo siya, yuyuko ng mababa hanggang ang sakit ay humupa…ngunit ilang sandal lamang.

Narating din sa wakas ni Lian-chiao ang Hsiang Chi Coffee Shop. Napakaliwanag s loob at maingay: ang kalantog ng mga pitsa ng madyong sa mesa, ang maingay na boses ng mga sugarol, umuungol o tumatawa…

Nanghihinang itinaas ni Lian-chiao ang kaliwang kamay at kumatok sa pinto.

Marahil ay buhos na buhos ang mga isip ng tao sa pagsusugal, o baka naman napakahina ng katok niya. Walang lumapit para buksan ang pinto. Hindi na matiis ni Lian-chiao ang sakit, at kumatok uli siya ng buong lakas.

Isang matabang babae ang nagbukas ng pinto. Iyon ang maybahay ng may-ari ng kapihan. Si Lian-chiao na nakasandal ng mabuti sa pinto ay bumagsak sa loob.

Noon una ay nagulat ang matabang babae sa pagpasok niya. Ngunit nang matanto niya kung sino ang babae, maliksi niya itong tinulungan at inakay papasok.

Si Li Hua, na dadampot na lamang ng pitsa ay namangha rin s pagdating ni Lian-chiao. Ngunit nakapagpigil siya at mabagsik na nagtanong, “Anong nangyari? Bakit gabing-gabi na ay narito ka pa? Pung! Teka, teka! Red Center ba ‘yon? Ha! Maganda!” Magaganda ang pitsa niya at medyo ninenerbyos siya, matamang nakatingin sa mesa.

Tinulungan ng maybahay ng towkay si Lian-chiao na maupo sa silyang rattan. Sapo ng dalawang kamay ni Lian-chiao ang kanyang tiyan, “Ah Yue, huwag kang umiyak. Mabait ka di ba? Alagaan mong mabuti and kapatid mo. Uuwi ang nanay pagkaraan ng dalawa o tatlong araw. Pagkahatid sa akin sa ospital, uuwi ang tatay ninyo…” Habang inaaliw si Ah Yue, napaiyak na rin si Lian-chiao. Hindi niyang makayang isipin na aalis siya ng mga ilang araw, iiwan ang dalawang munting bata sa bahay na walang mag-aalaga sa kanila.

Ibinaba ni Ah Yue ang nakababatang kapatid at sa pagitan ng mga hikbi, “Inay, dadalawin ko kayo bukas, kasama ang kapatid ko. Sasabihin ko kay Itay na isama kami roon. May isa pang dolyar sa aking lata ng sigarilyo. Dadalhin ko iyon para magamit mo muna…”

Magiliw na hinawakan ni Lian-chiao ang munting ulo ng anak. Hindi siya makapagsalita dahil sa pag-aalala.

Lumabas si Li Hua. Kinagalitan ang dalawang bata gaya ng dati. Pagkatapos ay pumasok sa kotse, binuhay ang makina at pinatakbo.

Patuloy ang madyong sa Hsiang Chi. Ang gabi ay ginulo ng mga tunog ng pitsa, “Khe-ta… khe-ta…” at paminsan minsan ng malakas na pung!

Malamig na kumislap ang mga bituin sa langit. Malakas ang ihip ng hangin. Isang munting ilaw ang mabagal na kumikilos sa daan. Si Ah Yue, pangko sa likod ang umiiyak at inaantok na kapatid, mabagal at atubiling naglalakad patungo sa kanilang luma at hungkag na bahay…

AANHIN NINO ‘YAN? Vilas Manwat Salin ni Luwalhati Bautista



Si Nai phan ay isa sa mga sikat sa kapit-bahayan. Hindi dahil isa siyang mananayaw na ang paa’y singgaan ng saboy ng bituin; hindi rin dahil ginawa niyang bukod-tangi ang sarili sa larangan ng pulitika o panitikan. Marahil, ang kanyang talino sa pagsasangkap sa isang masarap na luto ng sinangag ang kanyang naging tuntungan sa kawalang-hanggan, pero kahit hindi naging katangi-tangi ang nalalaman niya sa pagluluto, magiging tanyag pa rin siya, dahil handa niyang pahintulutan ang kanyang mga parokayano sa walang limitasyong pangungutang.
Mahilig siyang mamigay ng matamis sa mga bata nang hindi naghahanap ng pera. Mangyari pang dahilan ito lagi para magreklamo ang kanyang asawa, pero sasabihin niya: “Ang dalawampung satang na halaga ng matamis ay hindi ipinahihirap ng pamilya.” Pag ang Than Khun, isang mataas na opisyal na naninirahan sa may iskinita, ay gusto ng isang masarap na kape, sasabihin nito sa anak: “Magdala ka rito ng kape mula sa tindahan ni Nai Phan. Marami siyang maglagay ng gatas; iisipin mong nag-aalaga siya ng baka para doon!”
Sa iskinita ding iyon naninirahan ang isang lasenggo na hilig nang lumitaw sa kaninan at tumula ng mga berso mula sa kwento nina Khun Chang at Khun Phaen; makikinig si Nai Phan nang taimtim ang atensyon. Matapos magpalabas, hihingi ang lasenggo ng isang libreng baso ng tsaang may yelo, na malugod namang ipagkakaloob ni Nai Phan, na may kasama pang doughnut para kumpleto.
Pag maulan, sasabihin ni Nai Phan sa mga estudyanteng dalagita: “Mga binibini, nahihirapan na kayo sa pagtatampisaw sa putik. Mula ngayon, pwede nyong bitbitin ang inyong mga sapatos hanggang sa aking tindahan at doon n’yo isuot.” Lagi niyang binibigyan ang mga ito ng malinis na tubig para panghugas ng paa.
Pero eksakatong gabi-gabi, isasara niya ang kanyang tindahan. Sasabihin sa kanya ng mga kaibigan niya, “Dapat kang magbukas at magsilbi sa gabi; dyan maganda ang negosyo, mas madali kang yayaman.”
Masayang tatawa si Nai Phan at sasabihin, “Mas masarap matulog kaysa magpayaman nang mabilis.”
Ang sagot na ito’y may pinupukaw sa puso ng mga nakakarinig na mas mayaman kaysa kay Nai Phan, pero hindi pa rin kuntento sa yaman nila, bagkus ay nagkukumagkag pang magpundar ng mas malaki pang kayamanan.
Ang mga taong naninirahan sa iskinita, pauwi sa kani-kanilang bahay sa kalaliman ng gabi pagkaraan ng maghapong ginugol sa paghahabol ng pera, ay makatatanaw kay Nai Phan na nakahilig sa kanyang maliit na silyang de-tiklop, kuntentong nakikipag-usap sa asawa. At maiisip nila sa kanilang sarili, “Ang saya-saya nilang tingnan, malayo sa paghahangad sa kayamanan. Mas mabuti pa sila sa amin.”
Isang gabi ay nagpunta sa sinehan ang kanyang asawa, at nag-iisia si Nai Phan. Papadilim na at naghahanda na siyang magsara ng tindahan nang mabilis na pumasok ang isang kabataang lalaki.
“Anong maipaglilingkod ko sa inyo sir?” Tanong ni Nai Phan. Sa halip na sumagot, naglabas ng baril ang estranghero at itinapat iyon sa puso niya. Hindi ito maunawaan ni Nai Phan, pero nadaman niya na hindi maganda ang mga pangyayari.
“Iabot mo ang salapi mo,” marahas na sabi ng kabataang lalaki. “Lahat! Kung anuman meron ka. Mukhang patayan ang uso sa mga panahong ito; nagbabarilan ang mga tao sa iba’t ibang dako araw-araw. Pag pinatay kita, wala nang ispesyal doon, at pag napatay mo ako, hindi na rin masyadong nakapagtataka, kaya bilisan mo na. pag hindi ko nakuha ang salapi, patitikimin kita ng mga bala.”
Hindi nanginig si Nai Phan. Kalmante siyang nakatayo at sinabi niya sa tinig na parang nakikipag-usap lang; “Ibibigay ko sa’yo ang pera, pero hindi dahil sa baril mo, ibibigay ko sa’yo dahil mukhang kailangang-kailangan mo iyon. Baka nakasalalay dito’y buhay at kamatayan. Eto. . . lahat ng perang meron ako ay nandito. Kunin mo na at umuwi ka na agad. Sinong nakakaalam? Siguro’y may sakit ang iyong ina; baka nga maraming taong naghihintay doon, iniisip kung mag-uuwi ka ng pera o hindi. Maraming buhay ang maaaring mnakadepende sa pag-uwi mo na may dalang pera. Hindi ko sasabihin sa mga pulis. Mga siyam na raan ang cash dito; higit pa. . .kunin mo na.”
Inilagay niya ang salapi sa mesa pero ang binatang holdaper ay tila hindi nagkalakas-loob na hipuin iyon.
“Bakit hindi mo kunin?” tanong ni Nai Phan. “Tingnan mo, bakit kita lolokohin? Alam kong hirap na hirap ka. Hirap tayong lahat sa mga araw na ito. Hindi ako naniniwalang masama kang tao. Sino ang gustong maging magnanakaw kung maiiwasan niya? Maaari ding nagkaatake ang iyong ama at kailangan mo siyang alagaan. Dalhin mo sa kanya ang perang ito, pero huwag mong ubusin lahat sa gamot. Maniwalak ka sa akin, magagamot ng doktor ang katawan, pero kailangan ng tao ang lunas pati sa kanyang isip at kaluluwa. Bumili ka ng ilang mababangong bulaklak, isang kuwintas ng bulaklak para sa iyong ina na mailalagay niya sa harap ng sagradong imahen sa bahay. Iyon ang ginagawa ko gabi-gabi. Hindi mo kailangang malaman kung ano ang kabanalan o kung saan ito nananahan. Sapat na ang makadama ka ng kapayapaan sa iyong sarili. Iyon ang langit. Ay!—at itabi mo ang iyong baril—giginhawa agad ang pakiramdam mo. Ang isang lalaking may dalang baril ay hindi nakakakilala nbg kapayapaan, ang puso niya’y naghihirap sa takot at pag-aalinlangan, at sa amoy ng panganib. Hindi tayo liligaya habang ang ating mga kamay ay nagsisikip sa mga sandata.”
Inilagay ng kabataang lalaki ang baril sa kanyang bulsa, tulad ng isang masunuring bata. Itinaas niya ang mga kamay sa pagpupugay sa wai kay Nai Phan, na kilala sa kanyang sinangag at kape at pagbubukas-palad.
“Dapat na barilin ko ang aking sarili imbis na barilin ka,” sabi ng kabataang lalaki.
“Huwag kang magsalita na parang baliw,” sabi ng tagapamahala ng tindahan, habang inaabot ang pera sa binata. “Ito na lahat iyon. Dalhin mo at iyo nang lahat. Hindi ito pagbibigay na ginawa sa galit. Alam ko na puno ang mga bilangguan, pero hindi ng mga kriminal. Isa kang lalaking tulad ko, tulad ng ibang lalaki; kahit sinong lalaki, kahit isang ministro, ay ganyan din ang gagawin ko kung desperado.”
Naupo ang kabataang holdaper. “Hindi pa kita nakita kailanman, at hindi pa ako nakakita kailanman ng gaya mo kung magsalita. Hindi ko kukunin ang pera mo, pero itinabi ko na ang aking baril. Ngayo’y uuwi na ako sa aking ina na gaya ng sabi mo,” umubo siya ng ilang ulit bago nagpatuloy. “Masama akong anak. Lahat ng perang ibinigay sa akin ng aking ina’y inubos ko sa karera ng kabayo; yong kakaunting natira’y inubos ko sa pag-iinom.”
“Lahat ng tao’y nagkakamali. Ano ba ang buhay kundi magkahalong eksperimento, pagkakamali’t mga kabiguan?” sabi ni Nai Phan.
“Hindi, malakas ang katawan ko, alam mo,” pagpapatuloy ngkabataang lalaki. “Narinig mo ba ang ubo ko? Natatakot ako na mayroon na akong T.B. iyon ang dapat sa akin, sa palagay ko, dahil meron akong mga ginawang masasama—dapat talagang mamatay na ako agad-agad. Hindi ako dapat mabuhay, pasanin lang ako sa mundo. Salamat, at paalam.”
“Hindi mo kailangang umalis agad. Dito ka muna sandali at mag-usap tayo. Gusto kitang makilala. Saan ka nakatira? Ano ang mga hilig mo? Ibig kong sabihin, ano ang mga pinaniniwalaan mo?”
Walang pag-asang umiling ang kabataang lalaki. “Hindi ko alam kung saan ako papunta ngayon. Saan ako maaaring pumunta? Ano ang mga pinaniniwalaan ko? Hindi ko alam. Mukhang walag anupaman sa mundong ito na karapat-dapat na paniwalaan. Naging isang miserableng nilikha na ako mula nang araw na ako’y ipinanganak; hindi nakapagtataka na hindi ko gusto ang aking mga kapwa-tao. Minsan, ang tingin ko’y pananagutan ng lahat ang mga kasamaan ko. Ayokong makisalamuha sa mga tao. Hindi ako nagtitiwala sa kahit kanino. Kinasusuklaman ko ang paraan ng pakikipag-usap ng tao sa isa’t isa, kung paano nila gugulin ang kanilang buhay, kung paano nila mahalin at purihin ang isa’t isa, kung paano sila tumawa at ngumiti.”
Tumango nang may pagkaunawa si Nai Phan. “Lahat ng tao’y ganon ang pakiramdam kung minsan.”
“Kaya mo ba akong paniwalaan?”. “Hindi ako interesado sa kahit ano. Sawang-sawa na ako sa lahat. Ang buong mundo ay parang hungkag. Walang kahulugan, walang anupaman na mapangangapitan o maigagalang ng tao. Kung talagang gusto kong magtrabaho, sa palagay ko ay maaari akong humanap ng gawain. Pero nasusuklam akong makita ang sangkatauhan, ayokong tumanggap ng kahit na anong pabor mula sa kanila. Mananatili ako nang isang linggo sa isang trabaho, dalawang linggo, sa isa pa—hindi ako nagtatagal kahit saan.”
“Nagbabasa ka ba ng libro?”
“Dati. Pero umayaw na ako. Ni hindi na ako nagbabasa ng dyaryo ngayon. Bakit pa? alam na alam ko kung anong laman nila. Wala kundi barilan, nakawan, patayan! Binabago nila ang mga lugar at mga pangalan, pero ganun at ganon din ang mga istorya.”
Hinimas ng kabataang lalaki ang kanyang baba at masusing naningkit ang mga mata kay Nai Phan. “Suwerte mo na hindi ka nagpakita ng anumang takot o galit nang pagbantaan kita ng baril, tiyak na papatayin kita. Ang daigdig na ito’y punung-puno ng mga lalaki na gustong magpakita ng galit, mga lalaking marurumi ang isip, na laging bumubulalas na nabubulok na raw ang sibilisasyon at moralidad. Hindi ako naniniwala na dahil lang daan-daan o libo-libo ang napasama, ganun na rin ang dapat gawin ng lahat ng tao. Alam ko na ngayon na hindi ako naparito dahil sa pera kundi para patunayan sa sarili ko na tama ang aking paniniwala. Naiisip ko palagi kahit pa nawawalan na ng pag-asa ang mundo at lumulubog na sa kalaliman, pinarumi at dinungisan ng kasalanan ng tao, may natitira pa rin kahit isang tao na hindi tao dahil lang ganun ang itsura niya, kundi isang tunay na taong nilalang. Alam niya kung paaanong magmahal ng iba, kung paano mapagwawagian ang paggalang ng ibang tao. Pero hindi ko ganap na pinanaligan iyon dahil wala pa akong nakitang ganun. Sa loob ng maraming taon ay iniisip ko: “Sana’y makakita ako ng isang tao na hindi pa naging buktot kasabay ng kabuktutan ng mundo, para mapaniwalaan ko na may natitira pang kabutihan, para magkaroon ako ng lakas para patuloy na mabuhay. Ngayo’y nakatagpo ako ng isang taong ganun. Ibinigay mo sa akin ang lahat ng hinahangad ko. Wala ka nang dapat ibigay. Uuwi na ako ngayon. Mangyari pa, sa isip ko, hindi ko na kamumuhian uli ang daigdig. Natuklasan ko sa wakas ang uri ng buhay na gusto kong tuntunin.”
Mukhang naging mas masigla na ang estranghero. Tumindig na siya para umalis at pagkaraan, naalala niya, inilabas niya ang baril. Iniabot niya iyon sa may-ari ng tindahan.
“Sana’y kunin mo ito. Hindi ko na ito kailangan. Iyan ang tatak ng mababangis. Sinumang lalaki na magdadala ng baril ay walang awa o paggalang sa iba, wala siyang iginagalang kundi ang baril. Ang mga bandido’y maaaring mabuhay sa kanilang baril, pero ang buhay nila’y laging gagambalain ng katotohanan na ang mga kaaway nila’y maaaring sumalakay sa kanila nang wala silang kahandaan. Wala silang panahon para panoorin ang paglubog ng araw o para umawit. Pag ang tao’y walang panahon para umawit, mabuti pang maging kuliglig na lang o ibong mynah.”
Ngumiti nang masaya ang holdaper, at kumakaway ng pamamaalam, idinugtong nito: “Babalik ako para makita ka uli, pero huwag mo nang ipakita uli sa akin ang aking baril. ‘Yan ang kaaway ng isang malinis na buhay. Paalam.”
Nawala sa dilim ang estranghero. Yumuko si Nai Phan, ang may-ari ng tindahan, para bisitahin ang pinakabago niyang pag-aari. Iniisip niya na bukas ay ipagbibili niya iyon. Kailangang-kailangan niya ng bagong pansala ng kape.

Si Kesa at si Morito Salin ni Lualhati Bautista Mula sa "Rashomon" atbp. Pang Kuwento Ni Ryunosuke Akutagawa

UNANG
BAHAGI: MONOLOGO NI MORITO

Sa pagkakatingin sa buwan habang nag-iisip, naglalakad si Morito sa ibabaw ng mgalagas na dahon sa makalabas ng bakod ng kanyang bahay:

Sumikat na ngayon ang buwan. Karaniwang hinihintay ko nang may pagkainip ang pagsikat ng buwan. Pero ngayong gabi, ang maliwanag na sikat ng buwan ay yanig na sumusindak sa akin. Kinikilabutan akong isipin na ang gabing ito ay magwawasak sa aking kasalukuyang sarili at gagawin akong isang karumal-dumal na mamamatay-tao. Isipin na lang kapag ang mga kamay na ito'y namula sa dugo! Anong kasumpa-sumpang nilalang ang magiging tingin ko sa aking sarili kapag nagkaganoon! Ang puso ko'y di mababagbag sa sakit kung papatay ako ng isang kaaway na kinasusuklaman ko,pero ngayong gabi ay kailangan kong patayin ang isang lalaking hindi ko kinasusuklaman.

Matagal ko na siyang kilala. Kahit kamakailan ko lang nalaman ang kanyang pangalan,
Wataru Saemonno-jo, mula't sapul pa'y kilala ko na ang kanyang magandang mukha.
Nang matuklasan kong asawa siya ni Kesa, totoong sandali rin akong nag-apoy sa panibugho. Pero ngayon, ang panibugho ko'y napawi na, hindi nag-iwan ng anumang bakas sa aking isip o puso. Kaya para sa aking karibal sa pag-ibig, wala akong pagkamuhi o masamang hangarin. Manapa, mabuti ang isipin ko para sa kanya. Nang sabihin sa akin ng tiya ko, si Komorogawa, kung paano niya pinagsikapan at pinagsakitang makuha ang puso ni Kesa, nakadama ako ng simpatiya sa kanya. Naunawaan ko, na sa buong hangarin niya na mapangasawa ito,pinaghirapan pa niyang matutong sumulat ng tula. Hindi ko maisip na ang simple at nakababagot na lalaking iyon ay sumusulat ng mga tula ng pag-ibig, at isang ngiti ang gumuguhit sa aking mga labi sa kabila ng damdamin ko. Hindi ito ngiti ng pag-uyam; naaantig ako sa pagkamasuyo ng isang
lalaki na ginagawa ang lahat para makuha ang isang babae. Posible pa rin na ang kanyang masimbuyong pag-ibig ang nagtulak sa kanyang sambahin ang minamahal kong si Kesa ay nakapagdudulot sa akin ng kasiyahan.

Pero mahal ko ba talaga si Kesa? Ang aming pag-iibigan ay maaaring paghiwalayin sa dalawang baitang, ang nakaraan at ang kasalukuyan. Minahal ko siya bago siya ikinasal kay Wataru, o iyon ang aking palagay. Pero ngayong tumitingin ako sa aking puso, nakikita ko na marami akong motibo. Ano ang gusto ko sa kanya? Siya ang klase ng babaeng kinadaramahan ko ng mga hangaring makalaman kahit noong mga panahong ako'y wala pang bahid-dungis. Kung mapahihitulutan ang eksaheradong pahayag, ang pag-ibig ko sa kanya'y hindi hihigit pa sa isang sentimental na bersyon ng motibong nagtulak kay Adan sa piling ni Eba. Malinaw ito sa mga pag-aalinlangan ko na patuloy siyang mahalin kung sakaling ang aking hangarin ay natupad. Bagamat nanatili siya sa isip ko sa sumunod na tatlong taon pagkaraang maputol ang aming ugnayan, hindi ko tiyakang masasabi na mahal ko siya. Sa kasunod na pakikipag-ugnayan ko sa kanya, ang pinakamalaking ipinagsisisi ko ay iyong hindi ko siya nakilala ng lubos. Pinarurusahan ng kawalang-kasiyahan, nahulog ako sa kasalukuyang relasyon, na gumugimbal sa akin, gayunman, alam kong mangyayari. Ngayo'y itinatanong kong muli sa akinsarili, "Mahal ko ba siya talaga?"

Nangmakita ko uli siya tatlong taon pagkaraan, sa pagdiriwang na kaugnay ng
pagkakayari ng Tulay ng Watanabe, ginawa ko ang lahat ng paraan para Makita siya nang patago. Sa huli'y nagtagumpay ako. Hindi lang ako nagtagumpay na makita siya, kundi inangkin ko pa ang kanyang katawan na gaya ng pinapangarap ko. Sa pagkakataong iyon, ang panghihinayang na di ko siya nakilala nang pisikal ay hindi ang tanging nangingibabaw sa akin. Nang maupo ako sa tabi niya sa nababanigang silid ng bahay ni Koromogawa, napansin ko na malaking bahagi ng aking panghihinayang ang naglaho na. Malamang na ang aking hangarin ay pinahina ng pangyayaring hindi na ako malinis. Pero ang pinakapangunahing dahilan ay
hindi siya ang inaasahan kong magiging siya. Nang magkakaupo kaming magkaharap, natuklasan ko na hindi siya ang imahen ng malabantayog na kagandahang binuo ko sa isip sa nakaraang tatlong taon. Malayo siya sa idolong pinakaasam-asam ko sa aking puso. Ang kanyang mukha, na makapal na nakukulapulan ng matingkad na pulbos, ay pinaglahuan na ng
malaking bahagi ng dating kasariwaan at makinis na panghalina. Sa ilalim ng mga mata niya'y nakahugis ang nangingitim na guhit. Ang tanging hindi nagbago sa kanya ay ang kanyang malilinaw, bilog,maiitim na mga mata. Nang makita ko siya sa bagong paninging ito, nagimbal ako, at sa kabila ng aking damdamin ay di ko napigilang iiwas ang aking mga mata.

Kung gayo'y paano ko nagawang makipagtalik sa isang babaeng napakanipis ng pagkakabigkis ko? Una'y itinulak ako ng kakatwang kagustuhan na mapangibabawan ang dating hangarin ng puso ko. Sa pagkakaupong magkaharap, binigyan niya ako ng isang eksaheradong kuwento ng kanyang pag-ibig sa kanyang asawa. Wala siyang iniwan kundi hungkag na alingawngaw sa aking tainga. " Mayroon siyang hambog na ideya tungkol sa kanyang asawa," naisip ko. May hinala rin ako na maaaring ito'y tulak ng kanyang kagustuhang huwag nang pagningasin pa ang aking pagnanasa. Kasabay nito, patindi nang patindi ang dating hangarin kong ihantad ang kanyang kasinungalingan. Bakit itinuturing ko iyong kasinungalingan? Kung sasabihin ninyo sa akin, minamahal kong mambabasa, na ang sariling kayabangan ko ang nagtulak sa akin para maghinalang kasinungalingan ang kanyang pahayag, hindi ko maitatatwa ang inyong bintang. Ano't anuman, pinaniniwalaan ko noon at pinaniniwalaan ko hanggang ngayon, na iyon ay kasinungalingan.

Pero hindi ang hangaring makapanlupig ang tanging ngumangatngat sa akin nang mga sandaling iyon. Pinamumulahan akong banggitin ito- pinangingibabawan ako ng pagnanasa. Hindi iyon basta panghihinayang lang na hindi ko nakilala ang kanyang katawan. Iyon ay hamak na
kalibugan mismo na ni hindi nangangailangan na ang kabilang panig ay maging ang babaeng iyon. Marahil ay walang lalaking umarkila ng babae sa isang bahay-putahan na magiging mas hamak pa sa akin nang mga sandaling iyon.

Ano't anuman, batay sa ganyang iba't ibang motibo, nagkaroon ako ng relasyon kay Kesa. O, manapa, inalisan ko siya ng dangal. Bilang pagbalik sa unang tanong na binitiwan ko, hindi ko na kailangang itanong pa ngayon sa aking sarili kung mahal ko siya. Nang matapos ang lahat, sapilitang ibinangon ko siya aking mga bisig- ang babaeng ito na umiiyak na ibinagsak ang kanyang sarili. At nagmukha siyang mas walang dangal kaysa sa akin. Ang kanyang
nakasabog na buhok at nagpapawis na katawan, ang lahat ay indikasyon ng
kapangitan ng kanyang isip at katawan. Hindi kamaliang sabihin na simula nang araw na iyon, sa puso ko'y nagkaroon ako ng bagong pagkamuhi sa kanya. At ngayong gabi'y papatayin ko ang isang lalaking hindi ko kinamumuhian, para sa kapakanan ng babaeng hindi ko iniibig.

"Patayin natin si Wataru," bulong ko sa tainga ni Kesa. Baliw na nga ako para gawin ang napakagarapal na mungkahing iyon. Wala sa loob na inihiga ko sa tainga niya angnakaraang hangarin ko ns hamunin ng labanan si Wataru at pagwagian ang kanyang pag-ibig. Ano't anuman, "Patayin natin si Wataru," bulong ko, at tiyak na tiyak na bumulong ako nang nagtatagis ang mga ngipin, sa kabila ng aking damdamin. Kapag naaalala ko ngayon, hindi ko masasabi kung ano ang nag-udyok sa akin para gawin ang padalus-dalos na bagay na iyon. Ang tanging naiisip ko bilang paliwanag ditto ay ginusto kong tagpian ang relasyon sa kasalukuyan, at habang tumitindi ang paghamak at pagkasuklam ko sa kanya, lalo kong kinaiinipan na mawasak ko ang kanyang dangal. Wala nang mas aangkop pa sa mga layuning ito kundi patayin ang asawang ipinangangalandakan niyang mahal niya, at makuha ang kanyang pagsang-ayon mula sa kanyang pagpapatumpik-tumpik. Kaya tulad sa isang lalaking binabangungot, nakapanaig ako sa kanya na maisakatuparan naming dalawa ang pagpatay na hindi ko gusto.
Kung iyan ay hindi sapat para ipaliwanag ang aking motibo sa pagmumungkahing patayin si Wataru, wala nang paliwanag na dapat tangkain, maliban sa isang kapangyarihang banyaga sa mga mortal (marahil ay demonyo o diyablo) ang nagtataboy sa akin sa makasalanang daan.
Nagpupumilit at paulit-ulit na ibinulong ko ang ganoo't ganoon ding bagay sa tainga niya.

Sa huli'y nag-angat siya ng mukha at sinabi, "Oo, dapat mo ngang patayin si Wataru." Hindi lamang ako nasorpresa sa biglang pagsang-ayon niya, kundi nakakita ako ng mahiwagang kinang sa kanyang mga mata na hindi ko napansin noon. Taksil na babae-iyon ang naging tingin ko sa kanya. Gumuhit sa nag-iinit na utak ko ang iglap na pagkabigo at paghihilakbot- at oo, pagkasuklam. Kung maaaari lang ay
babawiin ko ang pangako ko noon din. Sa gayo'y mapangangalanan ko siyang mang-aapid, at ang aking kunsensiya'y makapagkakanlong sa makatwirang pagngingitngit. Pero hindi ko nagawa. Inaamin ko
agad kong nakita na imposible iyon sa saglit na bigla siyang tumitig sa akin. Nagbago na ang kanyang anyo, na para bang nakita niya ang laman ng aking puso. Nahulog ako sa malungkot na kalagayanng pakikipagtipan para paslangin ang kanyang asawa dahil sa takot ko na paghigantihan niya ako kapag nabigo akong tuparin ang aking bahagi ko sa usapan. Ngayon, ang takot na ito'y mahigpit at matatag na dumaklot sa akin. Magtawa kayo kung ibig ninyo, sa aking karuwagan. Ito ang gawa ng isang hindi nakaaalam kung gaano kahamak ang kanyang kalaguyo. "Kapag hindi ko pinatay ang kanyang asawa, papatayin niya ako sa kahit na anong paraan. Kailangan kong patayin ang kanyang asawa at kung hindi'y papatayin niya ako," desperadong naisip ko, sa pagkakatingin ko sa kanyang walang luha pero umiiyak na mga mata. Pagkatapos kong bitiwan ang aking pangako, hindi ba may nasilip akong ngiti sa kanyang bibig at biloy na gumuhit sa kanyang maputlang pisngi? Ay, dahil sa kasumpa-sumpang pangakong ito, idadagdag ko ang krimen na buktot na pagpaslang sa pinakamaitin na pusong maaaring maisip. Kung tatalikuran ko ang nakatakdang pakikipagtipan na magaganap ngayong gabi…. Hindi, ipinagbabawal
iyon ng aking pangako. Lagpas ito kaya kong batahin. Isa pa, natatakot ako sa kanyang paghihiganti. Totoong-totoo ito. Pero may iba pang nag-uudyok sa akin na gawin iyon. Ano ito? Ano ang malaking kapangyarihang iyon na nagbubunsod sa akin, sa duwag na "ako," para patayin ang isang inosenteng
lalaki? Hindi ko masasabi. Hindi ko masasabi. Pero posibleng… Hindi, hindi maaari. Pinandidirihan ko siya. Kinatatakutan ko siya. Kinasusuklaman ko siya. Pero gayunpaman, maaari ring dahil mahal ko
siya.

Si Morito, na patuloy sa paglalakad, ay hindi na nagsalita pa. Ang pag-awit ng isang balada ay pumailanlang
sa gabi.

Ang isipan ng tao ay nasa dilim, Walang ilaw na makapagbigay-liwanag.Nagsisindi ito ng apoy ng makamundong paghahangad, Upang humayo at lumitaw, sa loob lang ng isang iglap.

IKALAWANG
BAHAGI: MONOLOGO NI KESA

Gabi, sa ilalim ng isang lampara, nakatayo si Kesa, nakatalikod sa ilawan, nag-iisip nang malalim at kagat-kagat ang Manggas ng kanyang kimono.

Darating ba siya o hindi, ewan ko. Imposibleng hindi. Lumulubog na ang buwan, pero walang marinig kahit isang yabag, kaya maaaring nagbago ang isip niya. Kapag hindi siya dumating… Araw-araw akong mabubuhay sa kahihiyan, tulad sa isang puta. Paano ako nalubog sa kahihiyan at kasamaan. Mawawalan ako ng dangal at tatapak-tapakan na lang, sa pagkakabilad ng kahihiyan ko. Gayunma'y kakailanganin kong manahimik na parang pipi. Kapag nagkagayon ay dadalhin ko hanggang kabila ng libingan ang aking pagsisisi. Sigurado akong darating siya. Mula noong nakaraang araw, iyon na ang aking pananalig. Natatakot siya sa akin. Kinasusuklaman niya ako't pinandidirihan, gayunpama'y natatakot siya sa akin. Talaga, kung ang aasahan ko lang ay ang sarili ko, hindi ako makasisiguro sa kanya.Pero maasa ako sa kanya. Umaasa ako sa kanyang pagkamasarili. Umaasa ako sa buktot na takot na pinipukaw ng pagkamakasarili sa kanya.

Pero ngayong hindi ko na magawang umasa sa sarili ko, napakahamak ko nang nilalang!
Hanggang noong tatlong taon na ang nakararaan ay may tiwala ako sa akong sarili, at higit sa lahat, sa aking kagandahan. Mas matapat kung sasabihin nating "hanggang noong araw na iyon" kaysa "noong tatlong taon na nakararaan". Noong araw na iyong makita ko siya sa silid ng bahay ng aking tiya, isang sulyap sa kanyang mga mata at nakita ko ang aking kapangitan na nasasalamin sa kaniyang isip. Kinausap niya ako nang masuyo at mapagmahal, na akala mo'y
walang problema. Pero paano pa maaaliw ang puso ng isang babae sa sandaling matuklasan niya ang kapangitan ng kanyang pagkatao? Nagimbal ako, nayanig, nagdalamhati. Di-hamak na mabuti pa ang nakasisindak na pagkabalisang dala ng paglalaho ng buwan na nakita ko sa aking kamusmusan sa mag bisig ng aking tagpag-alaga, kung ihahambing sa malamultong pagkalunos na nagpakulimlim sa isipan ko nang mga sandaling iyon. Naglahong lahat ng pangarap at
pangitain sa aking puso. Ang kalungkutan ng isang maunos na madaling-araw ay tahimik na bumalot sa akin. Ngatal sa kalungkutan, sa huli ay isinuko ko ang aking katawan, na para na ring patay, sa mga bisig ng lalaking hindi ko iniibig - sa mga bisig ng isang makamundong lalaki na nasusuklam at nandidiri sa akin. Hindi ko na ba makakaya ang aking kalungkutan mula nang buong linaw na maipamukha sa akin ang aking kapangitan? Sinikap ko bang mailibing ang lahat sa hibang na sandaling iyon na sumubsob ako sa kanyang dibdib? O itinutulak din ako ng kahiya-hiyang paghahangad lang na gay rin niya? Maisip ko lang iyon ay nilulukob na ako ng kahihiyan! Kahihiyan! Kahihiyan! Lalo na noong ilayo ko na ang aking sarili sa kanyang mga bisig, hiyang-hiya ako.

Ang pagka-inis at kalungkutan ay naghatid ng walang katapusang luha sa aking mga mata sa kabila ng pagsisikap ko na huwag umiyak. Hindi lamang ako nagdadalamhati sapagkat nawalan ako ng dangal, higit sa lahat ay nahihirapan ako't nagdurusa dahil ako'y pinadidirihang tulad sa isang asong ketongin na kinasusuklaman at pinarurusahan. Ano ang aking nagawa mula noon? Ang meron lang ako'y ang pinakamalabong ala-ala niyon na para bang isa iyong bagay sa malayong nakalipas. Natatandaan ko lang ang kanyang mahabang tinig na bumubulong, "Patayin natin si Wataru," at dumampi sa aking tainga ang kanyang bigote habang ako'y humihikbi. Pagkarinig sa mga salitang ito, kakatwang nakadama ako ng sigla. Oo, sumigla ako't lumiwanag na tulad ng sinag ng buwan, kung ang sinag ng buwan ay matatawag na maliwanag. Bakit hindi, hindi ba ako inaliw ng mga salitang ito? Ay, hindi ba ako - hindi ba ang isang babae'y isang nilalang na nakadarama ng kaligayahan sa pag-ibig ng isang lalaki sukdulang patayin niya
ang sarili niyang asawa?

Nagpatuloy ako sa pagluha sa loob nang may malungkot at masiglang pakiramdam na tulad sa
sinag ng buwan. Kailan ako nangakong makipagtulungan sa pagpaslang sa aking
asawa?

Noon lamang pumasok sa isip ko ang aking asawa. Matapat kong sinasabing "noon lang".
Hanggang sa mga oras na iyon, ang isip ko'y buung-buong nakatuon sa aking sarili atsa aking kahihiyan. Pagkaraa'y nakita ko ang larawan ng nakangiting mukha ng aking asawa. Malamang na nang sandaling maalala ko ang kanyang mukha, gumuhit sa isip ko ang plano. Nang mga sandaling iyon ay disidido na akong mamatay, at ikinagagalak ko ang aking desisyon. Pero nang huminto na ako sa pag-iyak, nang magtaas ako ng mukha, at tumingala sa kanyang mukha para
matagpuan ang kapangitan kong nasasalamin doon, dama ko'y naglahong lahat ang aking kaligayahan. Ipinagunita nito sa akin ang kadiliman ng paglalaho ng buwan na nakita ko kasama ang aking tagapag-alaga. Iyon, tulad ng nangyari, ay iglap na nagpalaya sa lahat ng masamang ispiritung nagtatago sa ilalim ng aking kaligayahan. Dahil nga ba sa pagmamahal ko sa aking asawa kaya mamamatay ako para sa kanya? Hindi, kundi dahil lang sa resonableng pangangatuwirang ito, ibig kong pagbayaran ang pagkakasala kong pakikipagtalik sa iba. Dahil walang tapang na magpakamatay, nasa akin ang buktot na hangaring makapag-iwan ng
magandang impresyon sa mga tao. Ang kabuktutan kong ito ay maaari na rin sigurong palampasin. Sa ilalim ng pagkukunwaring mamamatay ako sa aking asawa, hindi ba ako nagpaplanong ipaghiganti ang aking sarili laban sa pagkamuhi sa akin ng aking kalaguyo, sa kanyang pandidiri sa akin, sa kanyang buhong na pagnanasa? Pinatutunayan ito ng isang sulyap sa kanyang mukha na pumawi ng mahiwagang kislap na tulad sa mapulang liwanag ng buwan, at nagpalamig sa aking puso sa matinding pagdadalamhati. Mamamatay ako, hindi para sa aking asawa kundi para sa aking sarili. Mamamatay ako, para parusahan ang aking kalaguyo sa
pananakit niya sa aking puso at para sa aking hinanakit sa pagdungis niya sa aking katawan. Ay, hindi lang ako walang karapatang mabuhay kundi wala ring karapatang mamatay.

Pero ngayon, gaano kainam pang mamatay na lang kahit sa pinakakahiya-hiyang paraan, kaysa mabuhay. Nakangiti nang pilit, paulit-ulit kong ipinangako na papatayin namin ang aking asawa. Dahil matalas ang pakiramdam niya, marahil ay natunugan niya sa mga salita ko kung ano ang
mangyayari kapag hindi niya tinupad ang kanyang pangako. Kaya mukhang imposible na pagkatapos niyang mangako ng ganoon ay aatrasan niya iyon. Tunog ba iyon ng hangin? Kapag naiisip ko na ang mga dinaramdam ko mula noong araw na iyon ay matatapos na sa wakas ngayong gabi, nakakahinga ako. Tiyak na ang bukas ay maghuhunos ng kanyang malamig na liwanag sa aking katawang walang ulo. Kapag nakita iyon ng aking asawa, siya'y… hindi, hindi ko siya iisip. Mahala ko ng aking asawa. Pero wala akong lakas na gantihan ang kanyang pag-ibig. Isang lalaki lang ang maaari kong mahalin. At ang lalaki iyon ay darating ngayong gabi para patayin ako. Kahit ang gaserang ito'y napakaliwanag para sa akin, akong pinahihirapan ng aking mangingibig.

Hinipan ni Kesa ang ilawan. Hindi nagtagal at narinig ang mahinang tunog ng isang
nabuksang kandado, at bumaha sa loob ang maputlang sinag ng buwan.