Gaya ng sinasabi ng marami, para sa akin ay talagang mas angat sa mga katangiang pampanitikan at panlipunan ang Noli Me Tangere kaysa sa El Filibusterismo. Tulad ng Noli Me Tangere, ang El Filibusterismo ay may layuning panlipunan. Ang dalawang nobelang ito ay kapwa bunga ng isang uri ng pagbabangon sa katauhan ng bayani, na noong panahong iyon ay maituturing na isang matapang na hakbang sapagkat alipin ang mga Pilipino.
Ngunit kakaiba sa Noli Me Tangere, ang paghahain ng katotohanan sa El Filibusterismo ay naglalayong ang bayan ay magising at maghimagsik, at hindi upang mangarap lamang ng pagbabago. Sa Noli ay may pangarap, may ganda, may damdamin ng pag-ibig, may awa. Sa Fili ay walang madarama kundi ibayong poot, kapaitan na tumitigid sa bawa't munting bahagi ng aklat, na bahagi ng bawat karanasan ng mga mahahalagang tauhan ng nobela.
Sa unang bahagi pa lamang ng nobela ay madarama na ang bumabasa ang tumutupok na damdamin ng pagbabangon. Ito ay kinakatawan ng mayamang mag-aalahas na si Simoun na nilalason ang puso ng layuning gisingin ang bayan upang makapagbangon laban sa pamahalaan. Muling nabuhay si Crisostomo Ibarra ng Noli sa katauhan ni Simoun sa Fili hindi upang mabuhay na muli ang kanyang sinasagisag na ideyalismo, ang kanyang magagandang pangarap sa buhay at pag-ibig. Sa kanyang pagkabuhay, namatay ang katauhan ng isang baguntaong matapos mag-aral nang mahabang panahon sa Europa ay nagnasang magpunla ng pagbabago sa bayan, hindi dahil sa pag-ibig sa bayang inaalipin kundi udyok ng mga dahilang pansarili. Ayon nga sa mananalaysay na si Rafael Palma, "Si Crisostomo Ibarra ng Noli ay hindi katulad ni Simoun ng Fili. Si Ibarra ay nagtitiwala, naghihintay at umiibig. Si Simoun ay hindi na napapadaya, hindi nagtitiwala at napopoot. Si Crisostomo Ibarra ay humihiling na pagbabago, lumalapit sa katarungan at sa kabutihan ng pamahalaan. Si Simoun ay hindi humihiling bagkus nagmamalupit, bumubulok, nagpapabangon sa karahasan, sumisira at nagpapakamatay."
Madaling maunawaan kung bakit may malaking agwat ng pagbabago sa pagitan nina Crisostomo Ibarra ng Noli at Simoun ng Fili. Ang kondisyon ng isip ni Dr. Jose P. Rizal ang magpapaliwanag nito. Maraming malulungkot na karanasan at mapapait na kabiguan ang dinadanas ng ating bayani samantalang sinusulat niya ang El Filibusterismo, at ang mga iyon ay ang mga sumusunod: 1) ang pagmamalupit ng mga paring Dominiko sa mga magsasaka ng Calamba at sa kanyang pamilya; 2) ang pagkamatay ng dalawang Pilipino sa Madrid na sina Felicisimo Gonzales at ang kaibigan niyang si Jose Maria Panganiban; 3) ang away nina Dr. Jose Rizal at Antonio Luna dahil sa isang babae, si Nelly Bousted; 4) ang tunggalian sa pagitan nina Dr. Jose Rizal at Marcelo H. del Pilar sa pamumuno ng Samahan ng mga Kastila at Pilipino; 5) at ang pinakamatindi, ang pagpapakasal ng kanyang kasintahang si Leonor Rivera sa isang inhinyerong Inggles na si Henry C. Kipping.Sa gitna ng mga ganitong kabiguan, kanino kayang puso ang hindi magkakawindang-windang? Gayunman, natapos pa ring isulat ni Dr. Jose P. Rizal ang El Filibusterismo at maluwalhating naipalimbag.
Ngayon, bakit dapat basahin ng mga Pilipino sa kasalukuyang panahon ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo? Ano ba ang mapapala natin sa dalawang aklat na ito?
Una, mataas na uri ng panitikan ang dalawang aklat na ito, partikular na ang Noli. Pangalawa, wala nang iba pang nobelang sinulat tungkol sa lipunan at lahing Pilipino na may sinlawak at singlalim na pagtalakay na tulad ng sa Noli at Fili. Pangatlo, magsisilbi itong salamin upang makita natin ang tunay nating mukha bilang mga Pilipino dahil ang kanser noon ng ating lipunan ay kanser pa rin nating mga Pilipino sa kasalukuyang panahon. Napapanahon pa rin ang mga paksa dito, akma sa ating kalagayan at angkop sa ating sitwasyon. Pang-apat, tigib ito ng mga sindi ng pag-ibig sa bayan na magpapalagablab ng ating nahihimbing na damdaming makabayan.
>Herald ang gumawa nito.. lols
3 comments:
Direct to the point mo nlng kasi hindi na nambubulibug kapa
Hahahahaha oo nga no hahahaha
ang haba lods
Post a Comment