BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS »

Walang Sugat (unang bahagi)

Unang Bahagi

1 Tagpo

(Tanggapan ng bahay ni Julia. Si Julia at ang mga bordador Musika)

Koro: Ang karayom kung iduro

Ang daliri’y natitibo,

Kapag namali ng duro

Burda nama’y lumiliko

Julia: Anong dikit, anong inam

Ng panyong binuburdahan,

Tatlong letrang nag-agapay

Na kay Tenyong na pangalan.

Koro: Ang karayom kung itirik

Tumitimo hanggang dibdib

Julia: Piyesta niya’y kung sumipot

Panyong ito’y iaabot,

Kalakip ang puso’t loob,

Ng kaniyang tunay na lingkod.

Si Tenyong ay mabibighani

Sa rikit ng pagkagawa

Mga kulay na sutla,

Asul, puti at pula.

Panyo’t dito ka sa dibdib,

Sabihin sa aking ibig

Na ako’y nagpapahatid

Isang matunog na halik.

Koro: Ang karayom kung iduro

Ang daliri’y natitibo.

Hoy tingnan ninyo si Julia

Pati panyo’y sinisinta.

Kapag panyo ng ibig

Tinatapos ng pilit

Nang huwag daw mapulaan

Ng binatang pagbibigyan:

Ang panyo pa’y sasamahan

Ng mainam na pagmamahal.

At ang magandang pag-ibig

Kapag namugad sa dibdib

Nalilimutan ang sakit

Tuwa ang gumigiit.

Mga irog natin naman

Sila’y pawang paghandugan

Mga panyong mainam

Iburda ang kanilang pangalan.

Julia: Piyesta niya’y kung sumipot

Panyong ito’y iaabot

Kalakip ang puso’t loob

Ng kaniyang tunay na lingkod.

Koro: Nang huwag daw mapulaan

Ng binatang pagbibigyan

Ang panyo pa’y sasamahan

Ng mainam na pagmamahal.

Salitain

Julia: Ligpitin na ninyo ang mga bastidor at kayo’y mangagsayaw na.

(Papasok ang magsisikanta). (Lalabas si Tenyong).

II TAGPO

(Tenyong at Julia…)

Tenyong: Julia, tingnan ko ang binuburdahan mo…

Julia: Huwag na Tenyong, huwag mo nang tingnan, masama ang pagkakayari, nakakahiya.

Tenyong: Isang silip lamang, hindi ko na hihipuin, ganoon lang?… ay…

Julia: Sa ibang araw, pagkatapos na, oo, ipakikita ko sa iyo.

Tenyong: (Tangan si Julia sa kamay) Ang daliri bang ito na hubog kandila, na anaki’y nilalik na

maputing garing. Ay may yayariin kayang hindi mainam? Hala na, tingnan ko lamang.

Julia: Huwag mo na akong tuyain, pangit nga ang mga daliri ko.

Tenyong: (Nagtatampo) Ay!…

Julia: Bakit Tenyong, napagod ka ba? (Hindi sasagot). Masama ka palang mapagod.

Tenyong: Masakit sa iyo!

Julia: (Sarili) Nagalit tuloy! Tenyong, Tenyong… (sarili) Nalulunod pala ito sa isang tabong

tubig!

Tenyong: Ay!

Julia: (Sarili) Anong lalim ng buntong hininga! (Biglang ihahagis ni Julia ang bastidor). (Sarili) Lalo ko pang pagagalitin.

Tenyong: (Pupulutin ang bastidor at dala). Julia, Julia ko. (Luluhod) Patawarin mo ako; Hindi na

ako nagagalit…

Julia: Masakit sa aking magalit ka at hindi. Laking bagay!

Tenyong: Lumalaganap sa dibdib ko ang masaganang tuwa, narito at nakikita ko na minarapat mong ilimbag sa panyong ito ang pangalan ko.

Julia: Hindi ah, nagkakamali ka, hindi ukol sa iyo ang panyong iyan…

Tenyong: Sinungaling! At kaninong pangalan ito? A. Antonio N. Narciso, at F. ay Flores.

Julia: Namamali ka, hindi mo pangalan iyan.

Tenyong: Hindi pala akin at kanino nga?

Julia: Sa Among! Iya’y iaalay ko sa kanya ngayong kaarawan ng pasko.

Tenyong: Kung sa among man o sa demonyo, bakit ang letra’y A, N, at F?

Julia: Oo nga sapagkat ang A, ay Among, ang N, Natin at ang F ay Frayle.

Tenyong: Among Nating Frayle, laking kaalipustaan! Huwag mo akong aglahiin ng tungkol sa mga taong iyan at madaling magpanting ang tainga ko.

Julia: Nakaganti na ako! (Dudukutin ni Tenyong sa kanyang bulsa ang posporo at

magkikiskis ng maraming butil at nag-aalab na magsasalita).

Tenyong: Julia, magsabi ka ng katotohanan, para sa kura nga ba? Kapag hindi ko sinilaban, ay…

sinungaling ako… mangusap ka. Susulsulan ko na? (Anyo nang sisilaban).

Musika No. 2

Julia: Huwag mong silaban ang tunay mong pangalan.

Tenyong: Sa pagkakasabi mong sa kurang sukaban nagising ang galit at di mapigilan.

Julia: Hindi maghahandog sa lahi ni Satan, ang panyong iyan ay talagang iyo, sampu ng nagburdang si Juliang iniirog mo.

Tenyong: Salamat, salamat, Juliang poon ko.

Julia: Oh, Tenyong ng puso, Oh, Tenyong ng buhay ko.

Tenyong: Pag-iibigan ta’y kahimanawari lumawig na tunay at di mapawi paglingap mo sa akin

kusang mamalagi huwag malimutan sa tuwi-tuwi…

Tenyong: Julia ko’y tuparin adhikain natin.

Julia: Tayo’y dumulog sa paa ng altar.

Tenyong: Asahan mo.

Sabay: Di mumunting tuwa dito’y dumadalaw, ano pa’t wari di na mamamatay sa piling mo oh!

(Tenyong) niyaring buhay (Julia) maalaalang may kabilang buhay… (Lalabas si Juana).

0 comments: