BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS »

Si Kesa at si Morito Salin ni Lualhati Bautista Mula sa "Rashomon" atbp. Pang Kuwento Ni Ryunosuke Akutagawa

UNANG
BAHAGI: MONOLOGO NI MORITO

Sa pagkakatingin sa buwan habang nag-iisip, naglalakad si Morito sa ibabaw ng mgalagas na dahon sa makalabas ng bakod ng kanyang bahay:

Sumikat na ngayon ang buwan. Karaniwang hinihintay ko nang may pagkainip ang pagsikat ng buwan. Pero ngayong gabi, ang maliwanag na sikat ng buwan ay yanig na sumusindak sa akin. Kinikilabutan akong isipin na ang gabing ito ay magwawasak sa aking kasalukuyang sarili at gagawin akong isang karumal-dumal na mamamatay-tao. Isipin na lang kapag ang mga kamay na ito'y namula sa dugo! Anong kasumpa-sumpang nilalang ang magiging tingin ko sa aking sarili kapag nagkaganoon! Ang puso ko'y di mababagbag sa sakit kung papatay ako ng isang kaaway na kinasusuklaman ko,pero ngayong gabi ay kailangan kong patayin ang isang lalaking hindi ko kinasusuklaman.

Matagal ko na siyang kilala. Kahit kamakailan ko lang nalaman ang kanyang pangalan,
Wataru Saemonno-jo, mula't sapul pa'y kilala ko na ang kanyang magandang mukha.
Nang matuklasan kong asawa siya ni Kesa, totoong sandali rin akong nag-apoy sa panibugho. Pero ngayon, ang panibugho ko'y napawi na, hindi nag-iwan ng anumang bakas sa aking isip o puso. Kaya para sa aking karibal sa pag-ibig, wala akong pagkamuhi o masamang hangarin. Manapa, mabuti ang isipin ko para sa kanya. Nang sabihin sa akin ng tiya ko, si Komorogawa, kung paano niya pinagsikapan at pinagsakitang makuha ang puso ni Kesa, nakadama ako ng simpatiya sa kanya. Naunawaan ko, na sa buong hangarin niya na mapangasawa ito,pinaghirapan pa niyang matutong sumulat ng tula. Hindi ko maisip na ang simple at nakababagot na lalaking iyon ay sumusulat ng mga tula ng pag-ibig, at isang ngiti ang gumuguhit sa aking mga labi sa kabila ng damdamin ko. Hindi ito ngiti ng pag-uyam; naaantig ako sa pagkamasuyo ng isang
lalaki na ginagawa ang lahat para makuha ang isang babae. Posible pa rin na ang kanyang masimbuyong pag-ibig ang nagtulak sa kanyang sambahin ang minamahal kong si Kesa ay nakapagdudulot sa akin ng kasiyahan.

Pero mahal ko ba talaga si Kesa? Ang aming pag-iibigan ay maaaring paghiwalayin sa dalawang baitang, ang nakaraan at ang kasalukuyan. Minahal ko siya bago siya ikinasal kay Wataru, o iyon ang aking palagay. Pero ngayong tumitingin ako sa aking puso, nakikita ko na marami akong motibo. Ano ang gusto ko sa kanya? Siya ang klase ng babaeng kinadaramahan ko ng mga hangaring makalaman kahit noong mga panahong ako'y wala pang bahid-dungis. Kung mapahihitulutan ang eksaheradong pahayag, ang pag-ibig ko sa kanya'y hindi hihigit pa sa isang sentimental na bersyon ng motibong nagtulak kay Adan sa piling ni Eba. Malinaw ito sa mga pag-aalinlangan ko na patuloy siyang mahalin kung sakaling ang aking hangarin ay natupad. Bagamat nanatili siya sa isip ko sa sumunod na tatlong taon pagkaraang maputol ang aming ugnayan, hindi ko tiyakang masasabi na mahal ko siya. Sa kasunod na pakikipag-ugnayan ko sa kanya, ang pinakamalaking ipinagsisisi ko ay iyong hindi ko siya nakilala ng lubos. Pinarurusahan ng kawalang-kasiyahan, nahulog ako sa kasalukuyang relasyon, na gumugimbal sa akin, gayunman, alam kong mangyayari. Ngayo'y itinatanong kong muli sa akinsarili, "Mahal ko ba siya talaga?"

Nangmakita ko uli siya tatlong taon pagkaraan, sa pagdiriwang na kaugnay ng
pagkakayari ng Tulay ng Watanabe, ginawa ko ang lahat ng paraan para Makita siya nang patago. Sa huli'y nagtagumpay ako. Hindi lang ako nagtagumpay na makita siya, kundi inangkin ko pa ang kanyang katawan na gaya ng pinapangarap ko. Sa pagkakataong iyon, ang panghihinayang na di ko siya nakilala nang pisikal ay hindi ang tanging nangingibabaw sa akin. Nang maupo ako sa tabi niya sa nababanigang silid ng bahay ni Koromogawa, napansin ko na malaking bahagi ng aking panghihinayang ang naglaho na. Malamang na ang aking hangarin ay pinahina ng pangyayaring hindi na ako malinis. Pero ang pinakapangunahing dahilan ay
hindi siya ang inaasahan kong magiging siya. Nang magkakaupo kaming magkaharap, natuklasan ko na hindi siya ang imahen ng malabantayog na kagandahang binuo ko sa isip sa nakaraang tatlong taon. Malayo siya sa idolong pinakaasam-asam ko sa aking puso. Ang kanyang mukha, na makapal na nakukulapulan ng matingkad na pulbos, ay pinaglahuan na ng
malaking bahagi ng dating kasariwaan at makinis na panghalina. Sa ilalim ng mga mata niya'y nakahugis ang nangingitim na guhit. Ang tanging hindi nagbago sa kanya ay ang kanyang malilinaw, bilog,maiitim na mga mata. Nang makita ko siya sa bagong paninging ito, nagimbal ako, at sa kabila ng aking damdamin ay di ko napigilang iiwas ang aking mga mata.

Kung gayo'y paano ko nagawang makipagtalik sa isang babaeng napakanipis ng pagkakabigkis ko? Una'y itinulak ako ng kakatwang kagustuhan na mapangibabawan ang dating hangarin ng puso ko. Sa pagkakaupong magkaharap, binigyan niya ako ng isang eksaheradong kuwento ng kanyang pag-ibig sa kanyang asawa. Wala siyang iniwan kundi hungkag na alingawngaw sa aking tainga. " Mayroon siyang hambog na ideya tungkol sa kanyang asawa," naisip ko. May hinala rin ako na maaaring ito'y tulak ng kanyang kagustuhang huwag nang pagningasin pa ang aking pagnanasa. Kasabay nito, patindi nang patindi ang dating hangarin kong ihantad ang kanyang kasinungalingan. Bakit itinuturing ko iyong kasinungalingan? Kung sasabihin ninyo sa akin, minamahal kong mambabasa, na ang sariling kayabangan ko ang nagtulak sa akin para maghinalang kasinungalingan ang kanyang pahayag, hindi ko maitatatwa ang inyong bintang. Ano't anuman, pinaniniwalaan ko noon at pinaniniwalaan ko hanggang ngayon, na iyon ay kasinungalingan.

Pero hindi ang hangaring makapanlupig ang tanging ngumangatngat sa akin nang mga sandaling iyon. Pinamumulahan akong banggitin ito- pinangingibabawan ako ng pagnanasa. Hindi iyon basta panghihinayang lang na hindi ko nakilala ang kanyang katawan. Iyon ay hamak na
kalibugan mismo na ni hindi nangangailangan na ang kabilang panig ay maging ang babaeng iyon. Marahil ay walang lalaking umarkila ng babae sa isang bahay-putahan na magiging mas hamak pa sa akin nang mga sandaling iyon.

Ano't anuman, batay sa ganyang iba't ibang motibo, nagkaroon ako ng relasyon kay Kesa. O, manapa, inalisan ko siya ng dangal. Bilang pagbalik sa unang tanong na binitiwan ko, hindi ko na kailangang itanong pa ngayon sa aking sarili kung mahal ko siya. Nang matapos ang lahat, sapilitang ibinangon ko siya aking mga bisig- ang babaeng ito na umiiyak na ibinagsak ang kanyang sarili. At nagmukha siyang mas walang dangal kaysa sa akin. Ang kanyang
nakasabog na buhok at nagpapawis na katawan, ang lahat ay indikasyon ng
kapangitan ng kanyang isip at katawan. Hindi kamaliang sabihin na simula nang araw na iyon, sa puso ko'y nagkaroon ako ng bagong pagkamuhi sa kanya. At ngayong gabi'y papatayin ko ang isang lalaking hindi ko kinamumuhian, para sa kapakanan ng babaeng hindi ko iniibig.

"Patayin natin si Wataru," bulong ko sa tainga ni Kesa. Baliw na nga ako para gawin ang napakagarapal na mungkahing iyon. Wala sa loob na inihiga ko sa tainga niya angnakaraang hangarin ko ns hamunin ng labanan si Wataru at pagwagian ang kanyang pag-ibig. Ano't anuman, "Patayin natin si Wataru," bulong ko, at tiyak na tiyak na bumulong ako nang nagtatagis ang mga ngipin, sa kabila ng aking damdamin. Kapag naaalala ko ngayon, hindi ko masasabi kung ano ang nag-udyok sa akin para gawin ang padalus-dalos na bagay na iyon. Ang tanging naiisip ko bilang paliwanag ditto ay ginusto kong tagpian ang relasyon sa kasalukuyan, at habang tumitindi ang paghamak at pagkasuklam ko sa kanya, lalo kong kinaiinipan na mawasak ko ang kanyang dangal. Wala nang mas aangkop pa sa mga layuning ito kundi patayin ang asawang ipinangangalandakan niyang mahal niya, at makuha ang kanyang pagsang-ayon mula sa kanyang pagpapatumpik-tumpik. Kaya tulad sa isang lalaking binabangungot, nakapanaig ako sa kanya na maisakatuparan naming dalawa ang pagpatay na hindi ko gusto.
Kung iyan ay hindi sapat para ipaliwanag ang aking motibo sa pagmumungkahing patayin si Wataru, wala nang paliwanag na dapat tangkain, maliban sa isang kapangyarihang banyaga sa mga mortal (marahil ay demonyo o diyablo) ang nagtataboy sa akin sa makasalanang daan.
Nagpupumilit at paulit-ulit na ibinulong ko ang ganoo't ganoon ding bagay sa tainga niya.

Sa huli'y nag-angat siya ng mukha at sinabi, "Oo, dapat mo ngang patayin si Wataru." Hindi lamang ako nasorpresa sa biglang pagsang-ayon niya, kundi nakakita ako ng mahiwagang kinang sa kanyang mga mata na hindi ko napansin noon. Taksil na babae-iyon ang naging tingin ko sa kanya. Gumuhit sa nag-iinit na utak ko ang iglap na pagkabigo at paghihilakbot- at oo, pagkasuklam. Kung maaaari lang ay
babawiin ko ang pangako ko noon din. Sa gayo'y mapangangalanan ko siyang mang-aapid, at ang aking kunsensiya'y makapagkakanlong sa makatwirang pagngingitngit. Pero hindi ko nagawa. Inaamin ko
agad kong nakita na imposible iyon sa saglit na bigla siyang tumitig sa akin. Nagbago na ang kanyang anyo, na para bang nakita niya ang laman ng aking puso. Nahulog ako sa malungkot na kalagayanng pakikipagtipan para paslangin ang kanyang asawa dahil sa takot ko na paghigantihan niya ako kapag nabigo akong tuparin ang aking bahagi ko sa usapan. Ngayon, ang takot na ito'y mahigpit at matatag na dumaklot sa akin. Magtawa kayo kung ibig ninyo, sa aking karuwagan. Ito ang gawa ng isang hindi nakaaalam kung gaano kahamak ang kanyang kalaguyo. "Kapag hindi ko pinatay ang kanyang asawa, papatayin niya ako sa kahit na anong paraan. Kailangan kong patayin ang kanyang asawa at kung hindi'y papatayin niya ako," desperadong naisip ko, sa pagkakatingin ko sa kanyang walang luha pero umiiyak na mga mata. Pagkatapos kong bitiwan ang aking pangako, hindi ba may nasilip akong ngiti sa kanyang bibig at biloy na gumuhit sa kanyang maputlang pisngi? Ay, dahil sa kasumpa-sumpang pangakong ito, idadagdag ko ang krimen na buktot na pagpaslang sa pinakamaitin na pusong maaaring maisip. Kung tatalikuran ko ang nakatakdang pakikipagtipan na magaganap ngayong gabi…. Hindi, ipinagbabawal
iyon ng aking pangako. Lagpas ito kaya kong batahin. Isa pa, natatakot ako sa kanyang paghihiganti. Totoong-totoo ito. Pero may iba pang nag-uudyok sa akin na gawin iyon. Ano ito? Ano ang malaking kapangyarihang iyon na nagbubunsod sa akin, sa duwag na "ako," para patayin ang isang inosenteng
lalaki? Hindi ko masasabi. Hindi ko masasabi. Pero posibleng… Hindi, hindi maaari. Pinandidirihan ko siya. Kinatatakutan ko siya. Kinasusuklaman ko siya. Pero gayunpaman, maaari ring dahil mahal ko
siya.

Si Morito, na patuloy sa paglalakad, ay hindi na nagsalita pa. Ang pag-awit ng isang balada ay pumailanlang
sa gabi.

Ang isipan ng tao ay nasa dilim, Walang ilaw na makapagbigay-liwanag.Nagsisindi ito ng apoy ng makamundong paghahangad, Upang humayo at lumitaw, sa loob lang ng isang iglap.

IKALAWANG
BAHAGI: MONOLOGO NI KESA

Gabi, sa ilalim ng isang lampara, nakatayo si Kesa, nakatalikod sa ilawan, nag-iisip nang malalim at kagat-kagat ang Manggas ng kanyang kimono.

Darating ba siya o hindi, ewan ko. Imposibleng hindi. Lumulubog na ang buwan, pero walang marinig kahit isang yabag, kaya maaaring nagbago ang isip niya. Kapag hindi siya dumating… Araw-araw akong mabubuhay sa kahihiyan, tulad sa isang puta. Paano ako nalubog sa kahihiyan at kasamaan. Mawawalan ako ng dangal at tatapak-tapakan na lang, sa pagkakabilad ng kahihiyan ko. Gayunma'y kakailanganin kong manahimik na parang pipi. Kapag nagkagayon ay dadalhin ko hanggang kabila ng libingan ang aking pagsisisi. Sigurado akong darating siya. Mula noong nakaraang araw, iyon na ang aking pananalig. Natatakot siya sa akin. Kinasusuklaman niya ako't pinandidirihan, gayunpama'y natatakot siya sa akin. Talaga, kung ang aasahan ko lang ay ang sarili ko, hindi ako makasisiguro sa kanya.Pero maasa ako sa kanya. Umaasa ako sa kanyang pagkamasarili. Umaasa ako sa buktot na takot na pinipukaw ng pagkamakasarili sa kanya.

Pero ngayong hindi ko na magawang umasa sa sarili ko, napakahamak ko nang nilalang!
Hanggang noong tatlong taon na ang nakararaan ay may tiwala ako sa akong sarili, at higit sa lahat, sa aking kagandahan. Mas matapat kung sasabihin nating "hanggang noong araw na iyon" kaysa "noong tatlong taon na nakararaan". Noong araw na iyong makita ko siya sa silid ng bahay ng aking tiya, isang sulyap sa kanyang mga mata at nakita ko ang aking kapangitan na nasasalamin sa kaniyang isip. Kinausap niya ako nang masuyo at mapagmahal, na akala mo'y
walang problema. Pero paano pa maaaliw ang puso ng isang babae sa sandaling matuklasan niya ang kapangitan ng kanyang pagkatao? Nagimbal ako, nayanig, nagdalamhati. Di-hamak na mabuti pa ang nakasisindak na pagkabalisang dala ng paglalaho ng buwan na nakita ko sa aking kamusmusan sa mag bisig ng aking tagpag-alaga, kung ihahambing sa malamultong pagkalunos na nagpakulimlim sa isipan ko nang mga sandaling iyon. Naglahong lahat ng pangarap at
pangitain sa aking puso. Ang kalungkutan ng isang maunos na madaling-araw ay tahimik na bumalot sa akin. Ngatal sa kalungkutan, sa huli ay isinuko ko ang aking katawan, na para na ring patay, sa mga bisig ng lalaking hindi ko iniibig - sa mga bisig ng isang makamundong lalaki na nasusuklam at nandidiri sa akin. Hindi ko na ba makakaya ang aking kalungkutan mula nang buong linaw na maipamukha sa akin ang aking kapangitan? Sinikap ko bang mailibing ang lahat sa hibang na sandaling iyon na sumubsob ako sa kanyang dibdib? O itinutulak din ako ng kahiya-hiyang paghahangad lang na gay rin niya? Maisip ko lang iyon ay nilulukob na ako ng kahihiyan! Kahihiyan! Kahihiyan! Lalo na noong ilayo ko na ang aking sarili sa kanyang mga bisig, hiyang-hiya ako.

Ang pagka-inis at kalungkutan ay naghatid ng walang katapusang luha sa aking mga mata sa kabila ng pagsisikap ko na huwag umiyak. Hindi lamang ako nagdadalamhati sapagkat nawalan ako ng dangal, higit sa lahat ay nahihirapan ako't nagdurusa dahil ako'y pinadidirihang tulad sa isang asong ketongin na kinasusuklaman at pinarurusahan. Ano ang aking nagawa mula noon? Ang meron lang ako'y ang pinakamalabong ala-ala niyon na para bang isa iyong bagay sa malayong nakalipas. Natatandaan ko lang ang kanyang mahabang tinig na bumubulong, "Patayin natin si Wataru," at dumampi sa aking tainga ang kanyang bigote habang ako'y humihikbi. Pagkarinig sa mga salitang ito, kakatwang nakadama ako ng sigla. Oo, sumigla ako't lumiwanag na tulad ng sinag ng buwan, kung ang sinag ng buwan ay matatawag na maliwanag. Bakit hindi, hindi ba ako inaliw ng mga salitang ito? Ay, hindi ba ako - hindi ba ang isang babae'y isang nilalang na nakadarama ng kaligayahan sa pag-ibig ng isang lalaki sukdulang patayin niya
ang sarili niyang asawa?

Nagpatuloy ako sa pagluha sa loob nang may malungkot at masiglang pakiramdam na tulad sa
sinag ng buwan. Kailan ako nangakong makipagtulungan sa pagpaslang sa aking
asawa?

Noon lamang pumasok sa isip ko ang aking asawa. Matapat kong sinasabing "noon lang".
Hanggang sa mga oras na iyon, ang isip ko'y buung-buong nakatuon sa aking sarili atsa aking kahihiyan. Pagkaraa'y nakita ko ang larawan ng nakangiting mukha ng aking asawa. Malamang na nang sandaling maalala ko ang kanyang mukha, gumuhit sa isip ko ang plano. Nang mga sandaling iyon ay disidido na akong mamatay, at ikinagagalak ko ang aking desisyon. Pero nang huminto na ako sa pag-iyak, nang magtaas ako ng mukha, at tumingala sa kanyang mukha para
matagpuan ang kapangitan kong nasasalamin doon, dama ko'y naglahong lahat ang aking kaligayahan. Ipinagunita nito sa akin ang kadiliman ng paglalaho ng buwan na nakita ko kasama ang aking tagapag-alaga. Iyon, tulad ng nangyari, ay iglap na nagpalaya sa lahat ng masamang ispiritung nagtatago sa ilalim ng aking kaligayahan. Dahil nga ba sa pagmamahal ko sa aking asawa kaya mamamatay ako para sa kanya? Hindi, kundi dahil lang sa resonableng pangangatuwirang ito, ibig kong pagbayaran ang pagkakasala kong pakikipagtalik sa iba. Dahil walang tapang na magpakamatay, nasa akin ang buktot na hangaring makapag-iwan ng
magandang impresyon sa mga tao. Ang kabuktutan kong ito ay maaari na rin sigurong palampasin. Sa ilalim ng pagkukunwaring mamamatay ako sa aking asawa, hindi ba ako nagpaplanong ipaghiganti ang aking sarili laban sa pagkamuhi sa akin ng aking kalaguyo, sa kanyang pandidiri sa akin, sa kanyang buhong na pagnanasa? Pinatutunayan ito ng isang sulyap sa kanyang mukha na pumawi ng mahiwagang kislap na tulad sa mapulang liwanag ng buwan, at nagpalamig sa aking puso sa matinding pagdadalamhati. Mamamatay ako, hindi para sa aking asawa kundi para sa aking sarili. Mamamatay ako, para parusahan ang aking kalaguyo sa
pananakit niya sa aking puso at para sa aking hinanakit sa pagdungis niya sa aking katawan. Ay, hindi lang ako walang karapatang mabuhay kundi wala ring karapatang mamatay.

Pero ngayon, gaano kainam pang mamatay na lang kahit sa pinakakahiya-hiyang paraan, kaysa mabuhay. Nakangiti nang pilit, paulit-ulit kong ipinangako na papatayin namin ang aking asawa. Dahil matalas ang pakiramdam niya, marahil ay natunugan niya sa mga salita ko kung ano ang
mangyayari kapag hindi niya tinupad ang kanyang pangako. Kaya mukhang imposible na pagkatapos niyang mangako ng ganoon ay aatrasan niya iyon. Tunog ba iyon ng hangin? Kapag naiisip ko na ang mga dinaramdam ko mula noong araw na iyon ay matatapos na sa wakas ngayong gabi, nakakahinga ako. Tiyak na ang bukas ay maghuhunos ng kanyang malamig na liwanag sa aking katawang walang ulo. Kapag nakita iyon ng aking asawa, siya'y… hindi, hindi ko siya iisip. Mahala ko ng aking asawa. Pero wala akong lakas na gantihan ang kanyang pag-ibig. Isang lalaki lang ang maaari kong mahalin. At ang lalaki iyon ay darating ngayong gabi para patayin ako. Kahit ang gaserang ito'y napakaliwanag para sa akin, akong pinahihirapan ng aking mangingibig.

Hinipan ni Kesa ang ilawan. Hindi nagtagal at narinig ang mahinang tunog ng isang
nabuksang kandado, at bumaha sa loob ang maputlang sinag ng buwan.


Mga Teoryang Pampanitikan

Teoryang Klasismo/Klasisismo

v Ang layunin ng panitikan ay maglahad ng mga pangyayaring payak, ukol sa pagkakaiba ng estado sa buhay ng dalawang nag-iibigan, karaniwan ang daloy ng mga pangyayari, matipid at piling-pili sa paggamit ng mga salita at laging nagtatapos nang may kaayusan.

Teoryang Humanismo

v Ang layunin ng panitikan ay ipakita na ang tao ang sentro ng mundo; ay binibigyang-tuon ang kalakasan at mabubuting katangian ng tao gaya ng talino, talento atbp.

Teoryang Imahismo

v Ang layunin ng panitikan ay gumamit ng mga imahen na higit na maghahayag sa mga damdamin, kaisipan, ideya, saloobin at iba pang nais na ibahagi ng may-adka na higit na madaling maunawaan kaysa gumamit lamang ng karaniwang salita. Sa halip na paglalarawan at tuwirang maglalahad ng mga imahen na layong ilantad ang totoong kaisipan ng pahayag sa loob ng panitikan.

Teoryang Realismo

v Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang mga karanasan at nasaksisan ng may-akda sa kanyang lipunan. Samakatuwid, ang panitikan ay hango sa totoong buhay ngunit hindi tuwirang totoo sapagkat isinaalang-alang ng may-akda ang kasiningan at pagkaefektibo ng kanyang sinulat.

Teoryang Feminismo

v Ang layunin ng panitikan ay magpakilala ng mga kalakasan at kakayahang pambabae at iangat ang pagtingin ng lipunan sa mga kababaihan. Madaling matukoy kung ang isang panitikan ay feminismo sapagkat babae o sagisag babae ang pangunahing tauhan ay ipimayagpag ang mabubuti at magagandang katangian ng tauhan.

Teoryang Arkitaypal

v Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang mga mahahalagang bahagi ng akda sa pamamagitan ng mga simbolo. Ngunit hindi basta-basta masusuri ang mga simbolismo sa akda. Pinakamainam na alamin muna ang kabuuang konsepto at tema ng panitikan sapagkat ang mga simbolismong napapaloob sa akda ay magkaugnay sa isa’t isa. Ang lahat ng simbolismo ay naaayon sa tema at konseptong ipinapakilala ng may-akda sa mga mambabasa.

Teoryang Formalismo/Formalistiko

v Ang layunin ng panitikan ay iparating sa mambabasa ang nais niyang ipaabot gamit ang kanyang tuwirang panitikan. Samakatuwid, kung ano ang sinasabi ng may-akda sa kanyang panitikan ang siyang nais niyang ipaabot sa mambabasa – walang labis at walang kulang. Walang simbolismo at hindi humihingi ng higit na malalimang pagsusuri’t pang-unawa.

Teoryang Saykolohikal/Sikolohikal

v Ang layunin ng panitikan ay ipaliwanag sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga salig (factor) sa pagbuo ng naturangbehavior (pag-uugali, paniniwala, pananaw, pagkatao) sa isang tauhan sa kanyang akda. Ipinakikita sa akda na ang tao ay nagbabago o nagkakaroon ng panibagong behavior dahil may nag-udyok na mabago o mabuo ito.

Teoryang Eksistensyalismo

v Ang layunin ng panitikan ay ipakita na may kalayaan ang tao na pumili o magdesisyon para sa kanyang sarili na siyang pinakasentro ng kanyang pananatili sa mundo (human existence).

Teoryang Romantisismo

v Ang layunin ng teoryang ito ay ipamalas ang iba’t ibang paraan ng tao o sumasagisag sa tao sa pag-aalay ng kanyang pag-ibig sa kapwa, bansa at mundong kinalakhan. Ipinakikita rin sa akda na gagawin at gagawin ng isang nilalang ang lahat upang maipaalam lamang ang kanyang pag-ibig sa tao o bayang napupusuan.

Teoryang Markismo/Marxismo

v Ang layunin ng teoryang ito ay ipakita na ang tao o sumasagisag sa tao ay may sariling kakayahan na umangat buhat sa pagdurusang dulot ng pang-ekononiyang kahirapan at suliraning panlipunan at pampulitika. Ang mga paraan ng pag-ahon mula sa kalugmukan sa adka ay nagsisilbing modelo para sa mga mambabasa.

Teoryang Sosyolohikal

v Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang kalagayan at suliraning panlipunan ng lipunang kinabibilangan ng may-akda. Naipakikita rito ang pamaraan ng mga tauhan sa pagsugpo sa suliranin o kalagayan ng lipunan na nagsisilbing gabay sa mga mambabasa sa magpuksa sa mga katulad na suliranin.

Teoryang Moralistiko

v Ang layunin ng panitikan ay ilahad ang iba’t ibang pamantayang sumusukat sa moralidad ng isang tao – ang pamantayan ng tama at mali. Inilalahad din nito ang mga pilosopiya o proposisyong nagsasaad sa pagkatama o kamalian ng isang kilos o ugali ayon sa pamantayang itinakda ng lipunan. Sa madaling sabi, ang moralidad ay napagkakasunduan ayon na rin sa kaantasan nito.

Teoryang Bayograpikal

v Ang layunin ng panitikan ay ipamalas ang karanasan o kasagsagan sa buhay ng may-akda. Ipinahihiwatig sa mga akdang bayograpikal ang mga bahagi sa buhay ng may-akda na siya niyang pinakamasaya, pinakamahirap, pinakamalungkot at lahat ng mga “pinaka” na inaasahang magsilbing katuwang ng mambabasa sa kanyang karanasan sa mundo.

Teoryang Queer

v Ang layunin ng panitikan ay iangat at pagpantayin sa paningin ng lipunan sa mga homosexual. Kung ang mga babae ay mayfeminismo ang mga homosexual naman ay queer.

Teoryang Historikal

v Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang karanasan ng isang lipi ng tao na siyang masasalamin sa kasaysayan au bahagi ng kanyang pagkahubog. Nais din nitong ipakita na ang kasaysayan ay bahagi ng buhay ng tao at ng mundo.

Teoryang Kultural

v Ang layunin ng panitikan ay ipakilala ang kultura ng may-akda sa mga hindi nakakaalam. Ibinabahagi ng may-akda ang mga kaugalian, paniniwala at tradisyon minana at ipasa sa mga sunod na salinlahi. Ipinakikita rin dito na bawat lipi ay natatangi.

Teoryang Feminismo-Markismo

v Ang layunin ng panitikan ay ilantad ang iba’t ibang paraan ng kababaihan sa pagtugon sa suliraning kanyang kinakaharap. Isang halimbawa nito ay ang pagkilala sa prostitusyon bilang tuwirang tugon sa suliraning dinaranas sa halip na ito’y kasamaan at suliranin ng lipunan.

Teoryang Dekonstruksyon

v Ang layunin ng panitikan ay ipakita ang iba’t ibang aspekto na bumubuo sa tao at mundo. Pinaniniwalaan kasi ng ilang mga pilosopo at manunulat na walang iisang pananaw ang nag-udyok sa may-akda na sumulat kundi ang pinaghalu-halong pananaw na ang nais iparating ay ang kabuuan ng pagtao at mundo.

Kay Estella Zeehandelar (Panitikang Indonesian) Mula sa mga liham ng isang Prinsesang Javanese Salin ni Ruth Elynia S. Mabanglo

Japara, Mayo 25, 1899


Ibig na ibig kong makilala ng isang “babaeng moderno” iyong babaeng malaya, nakapagmamalaki’t makaakit ng aking loob! Iyong masaya, may tiwala sa sarili, masigla’t maagap na hinaharap ang buhay, puno ng tuwa at sigasig, pinagsisikapan hindi lamang ang sariling kapakanan at kundi maging ang kabutihan ng buong sangkatauhan.

Buong kasabikan kong sinasalubong ang pagdating ng bagong panahon; totoong sa puso’t isip ko’y hindi ako nabibilang sa daigdig ng mga Indian, kundi sa piling ng aking mga puting kapatid na babae na tumatanaw sa malayong kanluran.

Kung pahihintulutan lamang ng mga batas ng aking bayan, wala akong ibig gawin kundi ang ipagkaloob ang sarili sa mga nagtratrabaho;t nagsisikap na bagong kababaihan ng Europe; subalit nakatali ako sa mga lumang tradisyong hindi maaaring suwayin. Balang araw maaaring lumuwag ang tali at kami’y pawalan, ngunit lubhang malayo pa ang panahong iyon. Alam ko, maaaring dumating iyon, ngunit baka pagkatapos pa ng tatlo o apat na hebenerasyon. Alam mo ba kung paano mahalin ang bago at batang panahong ito ng buong puso’t kaluluwa kahit nakatali sa lahat ng batas, kaugalian at kumbensyon ng sariling bayan. Tuwirang sumasalungat sa kaunlarang hinahangad ko para sa aking mga kababayan ang lahat ng mga institusyon naming. Wala akong iniisip gabi’t araw kindi ang makagawa ng paraang malabanan ang mga lumang tradisyon naming. Alam kong para sa aking sarili’y magagawa king iwasan o putulin ang mga ito, kaya lamang ay may mga buklod na matibay pa sa alinmang lumanag tradisyon na pumipigil sa akin; at ito ang pagmamahal na inuukol ko sa mga pinagkakautangan ko ng buhay, mga taong nararapat kong pasalamatan sa lahat ng bagay. May karapatan ba akong was akin ang puso ng mga taong walang naibigay sa akin kundi pagmamahal at kabutihan, mga taong nag-alaga sa akin ng buong pagsuyo?

Ngunit hindi lamang tinig nito ang umaabot sa akin; ang malayo, marikit at bagong-silang na Europe ay nagtutulak sa aking maghangad ng pagbabago sa kasalukuyang kalagayan. Kahit noong musmos pa ako’y may pang-akit na sa aking pandinig ang salitang “emansipasyon”; may isang naiibang kabuluhan ito, isang kahulugang hindi maaabot ng aking pang-unawa. Gumigising ito para sa hangarin ang pagsasarili at kalayaan- isang paghahangad na makatayong mag-isa. Ang puso ko’y sinusugatan ng mga kondisyong nakapaligid sa akin at sa iba, buong lungkot na pinag-aalab ang mithiin kong magising ang aking bayan.

Patuloy na lumapit ang mga tinig na galing sa malayong lupain, umaabot sa akin, at sa kasiyahan ng ilang nagmamahal sa akin at sa kalungkutan ng iba, dala ntio ang binhing sumupling sa aking puso, nag-ugat, sukmibol hanggang sa lumakas at sumigla.

Ngayo’y kailangang sabihin ko ang ilang bagay ukol sa sarili upang magkakilala tayo.

Panganay ako sa tatlong babaing anak ng Regent ng Japara. Ako’y may anim na kapatid na lalki at babae. Ang lolo kong si Pangeran Ario Tjondronegoro ng Demak ay isang kilalang lider ng kilusang progresibo noong kapanahunan niya. Siya rin ang kaunaunahang regent ng gitnang Java na nagbukas ng pinto para sa mga panauhin mula sa ibayong dagat-ang sibilisasyong Kanluran. Lahat ng mga anak niya’y may edukasyong European, at halos lahat ng iyon (na ang ilan ay patay na ngayon) ay umiibig o umibig sa kanlurang minana sa kanilang ama; at nagdulot naman ito sa mga anak nila ng uri ng pagpapalaking nagisnan nila mismo. Karamihan sa mga pinsan ko’t nakatatandang kapatid na lalaki ay nag-aral sa Hoogere-Burger School, sng pinakamataas na institusyon ng karunungang matatagpuan ditto sa India. Ang bunso sa tatlong nakatatandang kapatid kong lalaki’y tatlong taon na ngayong nag-aaral sa Netherlands at naglilingkod din naman doon bilang sundalo ang dalawa pa. Samantala, kaming mga babae’y bahagya nang magkaroon ng pagkakataong makapag-aral dahil na rin sa kahigpitan n gaming lumang tradisyon at kumbensyon. Labag sa aming kaugaliang pag-aralin ang mga babae, lalo’t kailangang lumabas ng bahay araw-araw para pumasok sa eskwela. Ipinagbabawal n gaming kaugalian na lumabas man lamang ng bahay ang babae. Hindi kami pinapayagang pumunta saan man, liban lamang kung sa paaralan, at ang tanginglugar na pagtuturong maipagmamalaki ng syudad naming na bukas sa mga babae ay ang libreng grammar school ng mga European.

Nang tumuntong ako ng ikalabindalawang taonng gulang, ako ay itinali sa bahay-kinailangang “ikahon” ako. Ikinulong ako at pinagbawalang makipag-uganayan sa mundong nasa labas ng bahay, ang mundong hindi ko na makikita marahil liban kung kasama ko na ang mapapangasawang estranghero, isang di-kilalang lalaking pinili ng mga magulang ko, ang lalaking ipinagkasundo sa akin nang di ko namamalayan. Noong banding huli, nalaman kong tinangka ng mga kaibigan kong European na mabago ang pasyang ito ng mga magulang ko para sa akin, isang musmos pa na nagmamahal sa buhay, subalit wala silang nagawa. Hindi nahikayat ang mga magulang ko; nakulong ako nang tuluyan. Apat na mahahabang taon ang tinagal ko sa pagitan ng makapal na pader, at hindi ko nasilayan minsan man ang mundong nasa labas.

Hindi ko alam kung paano ko pinalipas ang mga oras. Ang tanging kaligayahang naiwan sa aki’y pagbabasa ng mga librong Dutch at ang pakikipagsulatan sa mga kaibigang Dutch na hindi naman ipinagbawal. Ito-ito lamang ang nagiisang liwanag na nagpakulay sa hungkag at kainip-inip na panahong iyon, na kung inalis pa sa akin ay lalo nang nagging kaawa-awa ang kalagayan ko. Lalo sigurong nawalan ng kabuluhan ang buhay ko’t kaluluwa. Subalit dumating ang kaibigan ko’t tagapagligtas-ang Diwa ng panahon; umalingawngaw sa lahat ng dako ang mga yabag niya. Nayanig sa paglapit niya ang palalo’t matatag na balangkas ng mga lumang tradisyon. Nabuksan ang mga pintong mahigpit na nakasara, kusa ang iba, ang iba nama’y pilit at bahagya lamang ngunit bumukas pa rin at pinapasok ang mga di-inanyayahang panauhin.

Sa wakes, nakita kong muli ang mundo sa labas nang ako’y maglabing-anim na taon. Salamat sa Diyos! Malalabasan ko ang aking kulungan nang Malaya at hindi nakatali sa isang kung sinong bridegroom. At mabilis pang sumunod ang mga pangyayari nagpabalik sa aming mga babae ng mga nawala naming kalayaan.

Nang sumunod na taon, sa oras ng pagtatalaga sa poder ng bata pang Prinsesa (bilang Reyna Wilhemina ng Netherland), “opisyal” na inihandog sa amin ng mga magulang naming an gaming kalayaan. Sa kauna-unahang pagkakataon sa aming buhay, pinyagan kaming umalis sa bayan naming at pumunta sa siyudad na pinadarausan ng pagdiriwang para sa okasyong iyon. Anong dakila tagumpay iyon! Ang maipakita ng mga kabataang babaeng tulang naming ang sarili sa labas, na imposibleng mangyari noon. Nasindak ang “mundo” nagging usap-usapan ang “krimeng” iyon na dito’y wala pang nakagagawa. Nagsaya an gaming mga kaibigang European, at para naman sa amin, walang reynang yayaman pa sa amin. Subalit hindi pa ako nasisiyahan. LAgi, ibig kong makarating sa malayo, mas malayo. Wala akong hangaring makapamista, o malibang. Hindi iyon ang dahilan ng paghahangad kong magkaroon ng kalayaan. Ibig kong malaya upang makatayo ng mag-isa, mag-aral, hindia para mapailalim sa sinuman, at higit sa lahat, hindi para pag-asawahin nang sapilitan.

Ngunit dapat tayong mag-asawa, dapat, dapat. Ang hindi pag-aasawa ang pinakamalaking kasalanang magagawa ng isang babaeng Muslim. Ito ang pinakamalaking maipagkakaloob ng isang katutubong babae sa kanyang pamilya.

At ang pag-aasawa para sa amin-mababaw pa ngang ekspresyon ang sabihing miserable. At paano nga ba hindi magkakaganoon, kung tila ginawa lamang para sa lalaki ang mga batas, kung pabor para sa lalaki at hindi para sa babae ang batas at kumbensyon; kung ang lahat ng kaluwaga’y para sa kanya lang?

Pag-ibig! Anong nalalaman namin dito ukol sa pag-ibig? Paano namin maiibigan ang isang lalaking hindi namin kailanman nakilala? At paano nila kami iibigin? Hindi yata maaring mangyari iyon. Mahhigpit na pinaghihiwalay ang mga kababatang babae at lalaki, at kailanma'y hindi pinapayagang magkakilala.

Panitikang Filipino sa Iba’t ibang Panahon

Panahon ng Katutubo

Bago pa man dumating ang mga Kastila sa Pilipinas, mayroon nang sining at panitikan ang mga sinaunang Pilipino.

Karamihan sa mga panitikan nila’y yaong mga pasalin-dila gaya ng mga bulong, tugmang-bayan, bugtong, epiko, salawikain at awiting-bayan na anyong patula; mga kwentong-bayan, alamat at mito na anyong tuluyan at ang mga katutubong sayaw at ritwal ng babaylan bilang pinakaunang anyo ng dula sa bansa.

Karamihan sa mga panitikang ito ay pasalin-dila. May mga panitikan ring nasulat sa mga piraso ng kawayan, matitibay na kahoy at makikinis na bato. Ngunit iilan na lamang ang mga natagpuan ng mga arkeologo (archeologists) sapagkat batay sa kasaysayan, pinasunog at pinasira ito ng mga prayle nang dumating sila sa bansa sa paniniwalang ang mga ito ay gawa ng demonyo.

Pananakop ng Kastila

Dumating ang mga Kastila sa bansa taglay ang tatlong Gs – GOD, GOLD at GLORY. Dumating sila na ang pangunahing layunin ay ihasik ang Kristiyanismo, maghanap ng ginto at upang lalong mapabantog sa pamamagitan ng pagdaragdag ng kanilang nasasakop.

Mahahati ang panitikan sa dalawa sa panahong ito: una ay pamaksang pananampalataya at kabutihang-asal at ang ikalawa ay ang panitikang panrebolusyon.

(1) Panitikang Pamaksang Pananampalataya at Kabutihang-asal

Dahil sa pananampalataya ang pangunahing pakay ng mga Kastila, karamihan sa mga unang akdang nalikha sa panahong ito ay halos paksang pananampalataya. Halimbawa sa mga ito ay ang mga uri ng dulang senakulo,santa cruzan at tibag; tulang gaya ng mga pasyong inaawit. Sila rin ang nagpakilala ng konseptong maharlika o dugong bughaw sa mga Pilipino na mababatid sa mga akdang awit na ang mga pangunahing tauhan ay mga hari, reyna, prinsipe at prinsesa – isang patunay ang awit na Florante at Laura ni Balagtas at mga dulang duplo at karagatan.

Sa panahong ito, piling-pili lamang ang nakasusulat sapagkat wikang Kastila lamang ang kinikilala sa ganitong larangan. Kaunti lamang ang nakasusulat sa Kastila dahil sa pagpipigil, sa nadaramang takot at pagiging madamot ng mga Kastila.

Sa panahong ito nalimbag ang pinakaunang aklat sa bansa; angDoctrina Christiana na nalimbag noong 1553 na isang panrelihiyong aklat.

Ang pasyon ang isa sa patulang anyo na makarelihiyon. Samantalang ang mga dula sa nama’y ang mga senakulo, Santa Cruzan, at tibag. Ang mga dulang Moro-Moro naman ay pumapaksa sa tagumpay ng mga Kastila, isinasadula rito ang mga himagsikan sa pagitan ng mga sundalong Kastila at mga Muslim sa Mindanao at sa wakas ng dula, palaging nagwawagi ang Kastila at talunang niyayakap ng mga Muslim ang Kristiyanismo. Nauso rin angcarillo o mga dulang puppet na yari sa karton na gumalaw sa likod ng isang mailaw at puting tela.

Ang mga panitikan namang ukol sa kabutihang-asal ay ang Urbana at Feliza ni Padre Modesto de Castro.

Nalimbag rin sa panahong ito ang pinakaunang newsletter sa bansa noong 1637 – ang Successos Felices (Fortunate Events) ni Tomas Pinpin na may 14 na pahina. Ngunit noong Agosto 8, 1811 lamang nalathala ang pinakaunang pahayagan sa bansa – ang Del Superior Govierno na umabot hanggang labinlimang tomo.

(2) Panitikang Rebolusyonaryo at Sedisyoso

Sa ikalawang bahaging ito ng kasaysayang pampanitikan sa panahon ng pananakop ng Kastila, karamihan sa mga panitikang nalikha ay may diwang rebolusyonaryo at nagbukas sa kamalayang Pilipino sa di-makataong pagtrato sa kanila ng mga Kastila at nag-uudyok na kalabanin ang pamahalaan.

Dahil sa labis na pang-aalipin at pang-aalispusta at masidhing diskriminasyon ng mga Kastila sa mga Pilipino; nagsilunsad ng mga kilusan ang iilang Pilipinong hindi na sumasang-ayon sa pamamalakad ng mga prayle at pamahalaang Kastila.

Nagsisulat ang mga Pilipino sa panahong ito ng mga panitikang nagrerebolusyon. Nalathala ang mga pahayagang propagandista na pinangunahan ng La Solidaridad noong Pebrero 19, 1889 na naglalayong“matamo ang pagbabagong kailangan ng bansang bilang tugon sa kalagayang panlipunan at pang-ekonomiya, maisiwalat ang malubhang kalagayan ng bansa sa ilalim ng pamamalakat ng mga Kastila at upang pairalin ang kalayaan at demokrasya.”

Dahil sa mahigpit ang pamahalaan, nagsitago ang mga manunulat sa ilalim ng iba’t ibang sagisag-panulat upang maprotektahan ng mga sarili laban sa mapang-alipustahang Kastila at upang patuloy na makasulat.

Ang pambansang bayaning si Dr. Jose P. Rizal na may sagisag-panulat na Laong Laan ay naging bahagi ng pahayagang La Solidaridad; at ang may-akda ng mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo na unang nalimbag at nalathala sa Espanya at naging mitsa sa mga rebolusyonaryong Pilipino na mag-aklas laban sa mga Kastila. Sumulat din si Rizal ng mga sanaysay gaya ng Hinggil sa Katamaran ng mga Pilipino at Sa Mga Kabataang Dalaga sa Malolos.

Ang mga bayaning sina Marcelo H. Del Pilar (na may sagisag-panulat na PLARIDEL), Graciano Lopez-Jaena, Antonio Luna, Mariano Ponce, Pedro Serrano Laktaw, Emilio Jacinto, Apolinario Mabini, at marami pang iba ay nagsisulat din.

Pananakop ng Amerikano

Dahil sa pagnanais ng mga Pilipino na mapatalsik ang mga Kastila, naging tagapagsagip ang mga Amerikano nang dumating sila noong 1898 na tuluyang nagpabagsak sa pamahalaang Kastila.

Kung relihiyon ang naging pamana ng mga Kastila sa Pilipino, edukasyon naman ang naging pangunahing ipinamana ng mga Amerikano. Sa panahong ding ito isinilang ang mga ilang imortal na makatang Pilipino na nagsisulat sa Ingles at Tagalog.

Sa mga unang taon ng pananakop ng Amerikano sa bansa, sumulat ang mga Pilipino sa Kastila, Tagalog at iba pang wikang panlalawigan. Nagsimula lamang umusbong ang mga panitikan sa Ingles noong 1910 dahil sa mga bagong silang na manunulat.

Kabilang sa mga manunulat sa panahong ito sina Cecilio Apostol na sumulat ng mga oda para kay Rizal; Claro M. Recto na naging tanyag sa kanyang natatanging mga talumpati; si Lope K. Santos na sumulat ng obra-maestrang “Banaag at Sikat” at nagpauso ng panitikang sosyalista; si Jose Corazon de Jesus na tinaguriang Makata ng Pag-ibig at may panulat-sagisag na ‘Huseng Batute;’ at si Jose dela Cruz na may panulat-sagisag na ‘Huseng Sisiw’ dahil sisiw ang ipinababayad kapag nagpapagawa sa kanya ng tulang pag-ibig; si Severino Reyes na sumulat ng imortal na dulang “Walang Sugat” at tinaguriang Ama ng Dulang Tagalog; si Zoilo Galang na pinakaunang nobelistang (A Child of Sorrow) Pilipino sa Ingles at maraming-marami pang iba.

Ang mga Amerikano ang nagpakilala ng mga fairy tale sa mga Pilipino na ginamit ng mga gurong Tomasites sa pagtuturo.Ipinakilala rin ng mga ito ang iba pang uri (genre) ng panitikan gaya ng oda at nagpakilala sa pinilakang-tabing – ang pelikula.

Dahil sa impluwensiyang pangteknolohiyang dala ng mga Amerikano, naimpluwensiyahan din ang panitikan sa bansa. Dula ang naging pangunahing panitikan sa panahong ito. Dala nila ang mga bodabil na isang uri ng dula kung saan umaawit at sumasayaw ang mga artista na nagbunga sa sarsuwela ng Pilipinas. Dahil sa dala rin ng mga Amerikano ang pelikula sa bansa, ngunit nag-umpisa ito sa mga artistang gumagalaw lamang at nagsasalitang walang tinig (silent films); unti-unting naisantabi pansamantala ang dulang panteatro sa bansa dahil sa nakahiligan na ng mga Pilipino ang panonood ng pelikulang-tahimik.

Ang mga unang pelikulang ginawa sa bansa ay halos mga dokumentaryo ukol sa pagsabog ng mga bulkan at iba pang kalamidad at ang iilang dokumentaryong bunga lamang ng pagka-ignorante ng mga Amerikano sa mga katutubong Pilipino.

Ang mga unang pormal na pelikula sa bansa ay ukol sa buhay ng bayaning si Rizal at ng kanyang dalawang nobela. Ang pinakaunang pelikulang Hollywood na ginawa sa bansa ay ang pelikulang Zamboanga. Ito ang kauna-unahang Hollywood film na may underwater scene. Ngunit ang pinakaunang pelikulang produksyon ng Pilipino ay sa pamumuno ni Jose Nepumuceno hango sa dulang panteatrong Dalagang Bukid (dula ni Hermogenes Ilagan) na malateatro rin ang kinalabasan.

Di naglaon, ninais na rin ng mga Pilipino na makawala sa kamay ng mga Amerikano. Ngunit hindi rin naging mabilis ang pagkamit sa kalayaan.

Ang dula ay sadyang kinasangkapan ng mga manunulat na Pilipino upang ipahayag ang hangad na paglaya ng bayan at makabayang pananaw. Ang kalayaang tinamasa sa kamay ng mga Amerikano ay alangang ihambing sa ipinalasap ng mga Kastila. Gayunpaman, hindi rin nasiyahan ang mga manunulat.

Isa sa mga unang dulang itinanghal sa panahon ng mga Amerikano na umuusig sa mga Amerikano at sedisyoso ay ang kay Juan K. Abad na itinanghal noong Mayo ng 1903 – ang Tanikalang Ginto. Inakyat ng mga alagad ng batas ang Batangas habang itinatanghal ang dulang ito dito at dinakip ang may-akda. Ngunti napawalang sala rin sa tulong ng isang mahusay na manananggol na Pilipino. Ang dulang Kahapon, Ngayon at Bukas ni Aurelio Tolentino ay tumuligsa rin sa Amerikano. Ngunit pinakamatindi ang paghihimagsik ng dulang “Hindi Ako Patay” na hindi na nakilala ang may-akda dahil sa ginamit nito ang pangalan ng kanyang may-bahay.

Pananakop ng Hapon

Sa pambobomba ng Amerika sa Hiroshima, gumanti ang Hapon sa paglusob nito sa Pearl Harbor noong Disyembre 7, 1941. Dahil nasa isalalim ng kolonya ng Estados Unidos kaya’t sinakop ng Hapon ang Pilipinas. Ngunit para sa karamihang manunulat na Pilipino, isang biyaya sa larangang panitikan ng bansa ang pangyayaring ito. Sumibol nang lubos ang panitikan ng bansa sa panahong ito dahil ipinagbawal ng namumunong Hapon ang paggamit ng wikang Ingles at itinaguyod ang pagpapayaman sa panitikan gamit ang mga katutubong wika sa bansa. Sinunog din ang mga aklat na nasusulat sa Ingles upang masigurong hindi mababahiran ng kanluraning ideya ang panitikang nililikha.

Ang panahong ito sa kasaysayan ng bansa at ng panitikan ang tinaguriang Gintong Panahon ng Panitikang Filipino dahil higit na malaya ang mga Pilipino (kaysa noong sa Amerikano) sa pagsulat ng panitikan at pagsanib ng kultura, kaugalian at paniniwalang Pilipino sa mga ito.

Sa panahon ding ito kinilala ang mga manunulat na babaeng Pilipino sa pangalan nina Liwayway A. Arceo at Genoveva Edroza-Matute dahil sa mga makintal na maka-feministang maikling-kwento.

Dahil sa dinalang haiku (maikling tulang may tatlong taludtod at may bilang na pantig na 5-7-5 sa taludtod), nagkaroon ang mga Pilipino ng tanaga(maikling tulang may apat na taludtod at ang bilang ng pantig ay 7-7-7-7)

Panahon ng Pagkamit ng Kalayaan hanggang Kasalukuyan

Naging makasaysayan sa mga Pilipino ang pagbabalik ng kanilang kalayaan mula sa kamay ng mga Hapon. At dahil sa kalayaang natamo, higit ring sumigla ang kalayaang pampanitikan ng bansa.

Bilang patunay ng kasiglahan ng panitikang Filipino sa iba’t ibang uri sa panahong ito ay ang pagkakalimbag ng mga sumusunod na katipunan ng mga aklat: Mga Piling Katha at Mga Piling Sanaysay ni Alejandro Abadilla, Maiikling Kwentong Tagalog ni Teodoro Agoncillo, Ako’y Isang Tinig ni Genoveva Edroza-Matute at marami pang iba. Kinilala rin buhat sa panahong ito ang mga panitikang panlalawigan dahil sa mga inilunsad na mga pambansang pananaliksik at pagsasaling-wika ng panitikan ng Pilipinas.

Lalo pang sumigla ang panitikang Filipino nang ilunsad ang gawad Carlos Palanca Memorial Awards for Litetature.

Sumilang din sa panahong ito ang aktibismo ng mga batang mag-aaral noong nagsisimula ang dekada ’80 at ang kanilang panitikang aktibista gaya nina Virgilio Almario (na may sulat-panulat na Rio Alma) at Quintin Perez.

Pinakamasigla rin ang mga panitikang namayagpag sa media gaya ng sa radyo, telebisyon at sinehan. Nagsilang ang panahong ito ng mga musikerong Imelda Papin at Victor Wood, ng Hotdog, Sampaguita, Asin, Ryan Cayabyab, Levi Celerio, Pepe Smith at Freddie Aguilar na naging laman ng mga jukebox. Mga lagaristang gaya nina Ricardo “Ricky” Lee (may-akda/Himala at Oro, Plata, Mata), Lino Brocka (tagadirehe/Maynila sa Mga Kuko ng Liwanag) at Ishmael Bernal (tagadirehe/Himala) at Marilou Diaz-Abaya (tagadirehe/Oro, Plata, Mata). Nagsilabasan rin ang mga karikaturang (komiks) na Darna, Liwayway at Zuma ni Mars Ravelo at ang pinakatanyag na Pugad Baboy.

Nag-uumpisa pa lang ang ikadalawampung siglo, higit na sumigla ang panitikang Filipino dahil sa trend o pinauso na dulot ng media.

Kinilala ang Eraserheads (isang bandang binubuo ng mga mag-aaral ng UP) sa pagpapasigla muli sa OPM. Nagbukas ng daan sa marami pang musikero ang Eheads gaya ng sa Yano, Siakol, Green Department, the Teeth, Rivermaya at Parokya ni Edgar. Nagbigay ng bagong hihip sa kulturang Pilipino ang mga bandang ito na nagpakilala ng iba pang genre ng musika sa lahi. Kinilalang The Beatles of the Philippines ang Eheads dahil sa init na taglay ng bawat pagtanghal at bagong awitin. Ilan sa mga awiting kinilalang imortal sa panahong ito ay ang Huling El Bimbo, Iskin, Banal na Aso Santong Kabayo,Himala, Silvertoes, Alapaap, Overdrive, Peksman, Prinsesa, Pare Ko at Miss sa Loob ng Jeepney. Maliban sa mga banda, kinilala rin ang mga musika ni Jolina Magdangal, Jeremiah, Rossel Nava at Carol Banawa na mga supling ng makabagong melo-musika ng bansa.

Sumigla rin ang mga dulang pantelebisyong pambata lalung-lalo na angBatibot, Ang TV at 5 and up. At mga dulang panradyo ay kinagigiliwan naman ng mga nakatatanda. Puspusan din ang produksyong pampelikula na nagsalin ng mga maikling-kwento at nobela sa pelikula at ginawang inspirasyon ang mga awit, tula, sanaysay at kasaysayan sa pagbuo ng marami pang dulang pampelikula. Naipanganak din ang maraming genre ng pelikula gaya ngindependent flims at cinema veritae film.

Sa kasalukuyan, sinasalin ang mga panitikan hindi lamang sa mga pahayagan, magazine at aklat, hindi lamang sa anyo ng pelikula, palabas pantelebisyon o kaya’y programang panradyo; kundi sa pamamagitan din ng hi-technology – ang Internet. Dahil sa internet nagkaroon ng blogging, video clipping at audio airing na patuloy na bumubuhay sa panitikan hindi lang ng Filipino kundi ng ibang lahi mandin.

Patuloy na dumarami ang mga manunulat na Pilipino sa iba’t ibang anyo at uri ng panitikan gamit ang iba’t ibang media dahil sa mga inumpisahang kurso sa mga universidad at kolehiyo at pangangasiwa ng gobyerno ng mga pagsasanay sa mga kinakikitaang husay na mga mamamayan. Ngunit ang kasiglahan ng panitikan ay hindi magiging buo kung aasahan lamang ang pagdami at pag-usbong ng mga manunulat; kailangan din ang pagpapahalaga at pagmamalasakit ng mga mambabasa na katuwang sa pagtaguyod ng panitikan ng lahi.

Wika - katuturan, kahalagahan, katangian at antas

Katuturan

Binanggit ni Austero et al (1999) mula kay Gleason na “ang wika ay masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na isinaayos sa paraang arbitraryo. Ang mga tunog ay hinugisan/binigyan ng mga makabuluhang simbolo (letra) na pinagsama-sama upang makabuo ng mga salita na gamit sa pagpapahayag.”

Dagdag naman nina Mangahis et al (2005) na ang wika ay may mahalagang papel na ginagampanan sa pakikipagtalastasan. Ito ang midyum na ginagamit sa maayos na paghatid at pagtanggap ng mensahe na susi sa pagkakaunawaan.

Kahalagahan ng Wika

Mahalaga ang wika sapagkat:

  1. ito ang midyum sa pakikipagtalastasan o komunikasyon;
  2. ginagamit ito upang malinaw at efektivong maipahayag ang damdamin at kaisipan ng tao;
  3. sumasalamin ito sa kultura at panahong kanyang kinabibilangan;
  4. at isa itong mabuting kasangkapan sa pagpapalaganap ng kaalaman.

Katangian ng wika

  1. Ang wika ay isang masistemang balangkas dahil ito ay binubuo ng mga makabuluhang tunog (fonema) na kapag pinagsama-sama sa makabuluhang sikwens ay makalilikha ng mga salita (morfema) na bumabagay sa iba pang mga salita (semantiks) upang makabuo ng mga pangungusap. Ang pangungusap ay may istraktyur (sintaks) na nagiging basehan sa pagpapakahulugan sa paggamit ng wika.

    1. Ponolohiya o fonoloji – pag-aaral ng fonema o ponema; ang fonema ay tawag sa makabuluhang yunit ng binibigkas na tunog sa isang wika. Halimbawa ay ang mga fonemang /l/, /u/, /m/, /i/, /p/, /a/ at /t/ na kung pagsama-samahin sa makabuluhang ayos ay mabubuo ang salitang [lumipat].

    1. Morpolohiya o morfoloji – pag-aaral ng morfema; ang morfema ay tawag sa pinamakamaliit na makabuluhang yunit ng salita sa isang wika. Sa Filipino ang tatlong uri ng morfema ay ang salitang-ugat, panlapi at fonema.

Salitang-ugat = tao, laba, saya, bulaklak, singsing, doktor, dentista

Panlapi = mag-, -in-, -um-, -an/-han

Fonema = a

*tauhan, maglaba, doktora

c. Sintaksis – pag-aaral ng sintaks; sintaks ay ang tawag sa formasyon ng mga pangungusap sa isang wika. Sa Filipino, maaaring mauna ang paksa sa panaguri at posible namang pagbaligtaran ito. Samantalang sa Ingles laging nauuna ang paksa.

Hal. Mataas ang puno.

Ang puno ay mataas.

The tree is tall. (hindi maaaring ‘Tall is the tree.’ o ‘Tall the tree.’)

d. Semantiks – pag-aaral ng relasyon ng salita sa bawat isa sa iisang pangungusap; ang mga salita sa pagbuo ng pangungusap ay bumabagay sa iba pang salita sa pangungusap upang maging malinaw ang nais ipahayag.

Hal. Inakyat niya ang puno.

Umakyat siya sa puno.

Makikita na nang ginamit ang pandiwang [inakyat] ang panghalip ng aktor sa pangungusap ay [niya] at ang pantukoy sa paksa ay [ang]. Samantalang sa ikalawang pangungusap ang pandiwa ay napalitan ng [umakyat] kaya nakaapekto ito sa panghalip ng aktor na dati’y [niya] ngayo’y [siya] na. Imbis na pantukoy na [ang] ay napalitan na ng pang-ukol na [sa]. Nagkaiba na ang kahulugan ng dalawang pangungusap.

  1. Ang wika ay binubuo ng mga tunog. Upang magamit nang mabuti ang wika, kailangang maipagsama-sama ang mga binibigkas na tunog upang makalikha ng mga salita. (Tingnan ang ponolohiya)

  1. Ang wika ay arbitraryo. Lahat ng wika ay napagkakasunduan ng mga gumagamit nito. Alam ng mga Ilokano na kapag sinabing [balay], bahay ang tinutukoy nito. Sa Chavacano naman ay [casa] kapag nais tukuyin ang bahay at [bay] naman sa Tausug samantalang [house] sa Ingles. Kung sakaling hindi naintindihan ng isang tao ang isang salita o pangungusap ng isang wika, nangangahulugan na hindi siya bahagi ng kasunduang pangkaunawaan. Ngunit kung pag-aaralan at matututunan niya ang wika, nangangahulugang sumasang-ayon siya sa kasunduan ukol sa naturang wika.

  1. Ang wika ay may kakanyahan. Lahat ng wika ay may sariling set ng palatunugan, leksikon at istrukturang panggramatika. May katangian ang isang wika na komon sa ibang wika samantalang may katangian namang natatangi sa bawat wika.

Halimbawa

Wikang Swahili – atanipena (magugustuhan niya ako)

Wikang Filipino – Opo, po

Wikang Subanon – gmangga (mangga)

Wikang Ingles – girl/girls (batang babae/mga batang babae)

Wikang Tausug – tibua (hampasin mo), pugaa (pigain mo)

Wikang French – Francois (pangngalan /fransh-wa/)

Mapapansin sa wikang Swahili (isang wika sa Kanlurang Afrika) isang salita lamang ngunit katumbas na ng isang buong pangungusap na yunik sa wikang ito. Sa Filipino lamang matatagpuan ang mga salitang opo at po bilang paggalang. Sa Subanon naman, mayroong di pangkaraniwang ayos ng mga fonema gaya ng di-kompatibol na dalawang magkasunod na katinig sa iisang pantig na wala sa karamihang wika. Sa Ingles naman, isang fonema lamang ang idinagdag ngunit nagdudulot ng makabuluhang pagbabago. Sa Tausug naman ang pagkabit ng fonemang /a/ ay nagdudulot na ng paggawa sa kilos na saad ng salitang-ugat. Sa French naman, mayroon silang natatanging sistema sa pagbigkas ng mga tunog pangwika.

  1. Ang wika ay buhay o dinamiko. Patuloy na nagbabago at yumayaman ang wika. Nagbabagu-bago ang kahulugan ng isang salita na dumaragdag naman sa leksikon ng wika.

Halimbawa: BOMBA

Kahulugan

a. Pampasabog

b. Igipan ng tubig mula sa lupa

c. Kagamitan sa palalagay ng hangin

d. Bansag sa malalaswa at mapanghalay na larawan at pelikula

e. Sikreto o baho ng mga kilalang tao

  1. Lahat ng wika ay nanghihiram. Humihiram ang wika ng fonema at morfema mula sa ibang wika kaya’t ito’y patuloy na umuunlad. Gaya sa Chavacano, binibigkas na ang ‘ka’ na hiniram sa Visaya bilang kapalit ng ‘tu’ at ‘bo’. Ang Filipino ay madalas manghiram gaya ng paghiram sa mga salitang [jip, jus at edukasyon] na mula sa Ingles na [juice], [jip] at Kastilang [educaćion].

  1. Ang wika at kultura ay magkabuhol at hindi maaaring paghiwalayin. Maraming salita na hindi maisalin sapagkat wala silang katumbas sa ibang wika. Dahil sa ganitong pagkakataon, napipilitang humiram ng salita mula sa isang wika sapagkat hindi komon ang salita sa kultura ng wikang patutunguhan. Halimbawa, walang katumbas ang /malong/ sa Tagalog sapagkat hindi bahagi ng kultura ng mga Tagalog ang salitang ito. Ang /lamaw/ naman ng Cebuano ay hindi rin matutumbasan sapagkat iba ang paraan ng paghahanda ng buko ng mga Cebuano sa iba pang komunidad sa bansa.

  1. Ang wika ay bahagi ng karamihang anyo/uri ng komunikasyon. Sa komunikasyon ng mga pipi, hindi wika ang kanilang ginagamit kundi mga kilos. Hindi wika ang kanilang midyum sapagkat hindi nito taglay ang katangian ng isang ganap na wika.

  1. Nasusulat ang wika. Bawat tunog ay sinasagisag ng mga titik o letra ng alfabeto. Ang tunog na “bi” ay sinasagisag ng titik na ‘b’. Ang simbolong ‘m’ ay sumasagisag sa tunog na “em”.

  1. May level o antas ang wika.

Antas ng wika

  1. formal at di-formal – di-formal na wika ang wikang ginagamit ng tao sa ka-edad samantalang formal naman ang wikang gingamit ng tao sa nakatataas o nakatatanda
  2. lingua franca – wikang ginagamit ng karamihan sa isang bansa; sa Pilipinas ang Filipino ang lingua franca ng mga tao
  3. lalawiganin – mga wikang ginagamit ng mga tao sa lalawigan gaya ng Chavacano, Tausug, Cebuano, Ilonggo, Visaya at iba pa. Hindi talamak ang paggamit sa isang bansa ng mga wikang lalawiganin ngunit nagsasadya ito ng implikasyon ng kultura ng isang lalawigan
  4. kolokyal - ito ay ang pakikibagay ng wika sa taong gumagamit nito. Kadalasan napaiikli ang mga salita ngunit napagkakasunduan ang pagpapaikli nito. Halimbawa: /tena/ para sa 'tara na', /pre/ para sa 'pare'
  5. balbal o pangkalye – wikang ginagamit ng tao na halos likha-likha lamang at may kanya-kanyang kahulugan gaya ng wika ng mga tambay at bakla – halimbawa ang mga salitang ‘eklavush’, ‘erpat at ermat’ at ‘cheverloo’.
  6. edukado/malalim – wikang ginagamit sa panitikan, sa mga paaralan at pamantasan, sa gobyerno, sa korte at iba pang venyung profesyunal