Kabanata V: Ang Noche Buena ng Isang Kutsero
Posted by KADIPAN 0 comments
Labels: Ang Noche Buena ng Isang Kutsero, El Fili, El FIlibusterismo, Kabanata V
Kabanata IV: Kabesang Tales
Posted by KADIPAN 0 comments
Labels: El Fili, El FIlibusterismo, Kabanata IV, Kabesang Tales
Kabanata III: Ang mga Alamat Buod
Posted by KADIPAN 0 comments
Labels: El Fili, El FIlibusterismo, Kabanata 3, Mga Alamat
Kabanata 2: Sa Ilalim ng Kubyerta
Posted by KADIPAN 0 comments
Labels: El Fili, El FIlibusterismo, Kabanata 2, Sa ilalim ng kubyerta
Kabanata I - Sa Kubyerta
Posted by KADIPAN 0 comments
El Filibusterismo: Mga Tauhan
Posted by KADIPAN 0 comments
Mensahe sa Aking Mga Kababayan Manuel L. Quezon
Mga kababayan ko: may isang kaisipang nais kong lagi niyong tatandaan. At ito ay: kayo ay Pilipino. Na ang Pilipinas ay inyong bayan, at ang tanging bayan na ibinigay ng Diyos sa inyo. Na dapat niyo itong ingatan para sa inyong mga sarili, sa inyong mga anak, at sa mga anak ng inyong anak, hanggang sa katapusan ng mundo. Kailangan niyong mabuhay para sa bayan, at kung kinakailangan, mamatay para sa bayan.
Dakila ang inyong bayan. Mayroon itong dakilang nakaraan, at dakilang kinabukasan. Ang Pilipinas ng kahapon ay naging dakila dahil sa pag-aalay ng buhay at yaman ng inyong mga bayani, martir, at sundalo. Ang Pilipinas ng ngayon ay pinararangalan ng taos-pusong pagmamahal ng mga pinunong di-makasarili at may lakas ng loob. Ang Pilipinas ng bukas ay magiging bayan ng kasaganaan, ng kaligayahan, at ng kalayaan. Isang Pilipinas na nakataas ang noo sa Kanlurang Pasipiko, tangan ang sariling kapalaran, hawak sa kanyang kamay ang ilaw ng kalayaan at demokrasya. Isang republika ng mga mamamayang marangal at may paninindigan na sabay-sabay nagsisikap mapabuti ang daigdig natin ngayon.
Posted by KADIPAN 0 comments
WIKA- Kahulugan at Pinagmulan
Wika
Katuturan
Binanggit ni Austero et al (1999) mula kay Gleason na “ang wika ay masistemang balangkas ng sinasalitang tunog na isinaayos sa paraang arbitraryo. Ang mga tunog ay hinugisan/binigyan ng mga makabuluhang simbolo (letra) na pinagsama-sama upang makabuo ng mga salita na gamit sa pagpapahayag.”
Dagdag naman nina Mangahis et al (2005) na ang wika ay may mahalagang papel na ginagampanan sa pakikipagtalastasan. Ito ang midyum na ginagamit sa maayos na paghatid at pagtanggap ng mensahe na susi sa pagkakaunawaan.Kahalagahan ng Wika
Mahalaga ang wika sapagkat:
1. ito ang midyum sa pakikipagtalastasan o komunikasyon;
2. ginagamit ito upang malinaw at efektivong maipahayag ang damdamin at kaisipan ng tao;
3. sumasalamin ito sa kultura at panahong kanyang kinabibilangan;
4. at isa itong mabuting kasangkapan sa pagpapalaganap ng kaalaman.
Katangian ng wika
1. Ang wika ay isang masistemang balangkas dahil ito ay binubuo ng mga makabuluhang tunog (fonema) na kapag pinagsama-sama’y sa makabuluhang sikwens ay makalilikha ng mga salita (morfema) na bumabagay sa iba pang mga salita (semantiks) upang makabuo ng mga pangungusap. Ang pangungusap ay may istraktyur (sintaks) na nagiging basehan sa pagpapakahulugan sa paggamit ng wika.
1. Ponolohiya o fonoloji – pag-aaral ng fonema o ponema; ang fonema ay tawag sa makabuluhang yunit ng binibigkas na tunog sa isang wika. Halimbawa ay ang mga fonemang /l/, /u/, /m/, /i/, /p/, /a/ at /t/ na kung pagsama-samahin sa makabuluhang ayos ay mabubuo ang salitang [lumipat].
2. Morpolohiya o morfoloji – pag-aaral ng morfema; ang morfema ay tawag sa pinamakamaliit na makabuluhang yunit ng salita sa isang wika. Sa Filipino ang tatlong uri ng morfema ay ang salitang-ugat, panlapi at fonema.
Salitang-ugat = tao, laba, saya, bulaklak, singsing, doktor, dentista
Panlapi = mag-, -in-, -um-, -an/-han
Fonema = a
*tauhan, maglaba, doktora
c. Sintaksis – pag-aaral ng sintaks; sintaks ay ang tawag sa formasyon ng mga pangungusap sa isang wika. Sa Filipino, maaaring mauna ang paksa sa panaguri at posible naman ang kabaligtaran nito. Samantalang sa Ingles laging nauuna ang paksa.
Hal. Mataas ang puno.
Ang puno ay mataas.
The tree is tall. (hindi maaaring ‘Tall is the tree.’ o ‘Tall the tree.’)
d. Semantiks – pag-aaral ng relasyon ng salita sa bawat isa sa iisang pangungusap; ang mga salita sa pagbuo ng pangungusap ay bumabagay sa iba pang salita sa pangungusap upang maging malinaw ang nais ipahayag.
Hal. Inakyat niya ang puno.
Umakyat siya sa puno.
Makikita na nang ginamit ang pandiwang [inakyat] ang panghalip ng aktor sa pangungusap ay [niya] at ang pantukoy sa paksa ay [ang]. Samantalang sa ikalawang pangungusap ang pandiwa ay napalitan ng [umakyat] kaya nakaapekto ito sa panghalip ng aktot na dati’y [niya] ngayo’y [siya] sa. Imbis na pantukoy na [ang] ay napalitan na ng pang-ukol na [sa]. Nagkaiba na ang kahulugan ng dalawang pangungusap.
2. Ang wika ay binubuo ng mga tunog. Upang magamit nang mabuti ang wika, kailangang maipagsama-sama ang mga binibigkas na tunog upang makalikha ng mga salita. (Tingnan ang ponolohiya)
3. Ang wika ay arbitraryo. Lahat ng wika ay napagkakasunduan ng mga gumagamit nito. Alam ng mga Ilokano na kapag sinabing [balay], bahay ang tinutukoy nito. Sa Chavacano naman ay [casa] kapag nais tukuyin ang bahay at [bay] naman sa Tausug samantalang [house] sa Ingles.
4. Ang wika ay may kakanyahan. Lahat ng wika ay may sariling set ng palatunugan, leksikon at istrukturang panggramatika. May katangian ang isang wika na komon sa ibang wika samantalang may katangian namang natatangi sa bawat wika.
Halimbawa
Wikang Swahili – atanipena (magugustuhan niya ako)
Wikang Filipino – Opo, po
Wikang Subanon – gmangga (mangga)
Wikang Ingles – girl/girls (batang babae/mga batang babae)
Wikang Tausug – tibua (hampasin mo), pugaa (pigain mo)
Wikang French – Francois (pangngalan /fransh-wa/)
Mapapansin sa wikang Swahili (isang wika sa Kanlurang Afrika) isang salita lamang ngunit katumbas na ng isang buong pangungusap na yunik sa wikang ito. Sa Filipino lamang matatagpuan ang mga salitang opo at po bilang paggalang. Sa Subanon naman, mayroong di pangkaraniwang ayos ng mga fonema gaya ng di-kompatibol na dalawang magkasunod na katinig sa iisang pantig na wala sa karamihang wika. Sa Ingles naman, isang fonema lamang ang idinagdag ngunit nagdudulot ng makabuluhang pagbabago. Sa Tausug naman ang pagkabit ng fonemang /a/ ay nagdudulot na ng paggawa sa kilos na saad ng salitang-ugat. Sa French naman, mayroon silang natatanging sistema sa pagbigkas ng mga tunog pangwika.
5. Ang wika ay buhay o dinamiko. Patuloy na nagbabago at yumayaman ang wika. Nagbabagu-bago ang kahulugan ng isang salita na dumaragdag naman sa leksikon ng wika.
Halimbawa: BOMBA
Kahulugan
a. Pampasabog
b. Igipan ng tubig mula sa lupa
c. Kagamitan sa palalagay ng hangin
d. Bansag sa malalaswa at mapanghalay na larawan at pelikula
e. Sikreto o baho ng mga kilalang tao
6. Lahat ng wika ay nanghihiram. Humihiram ang wika ng fonema at morfema mula sa ibang wika kaya’t ito’y patuloy na umuunlad. Gaya sa Chavacano, binibigkas na ang ‘ka’ na hiniram sa Visaya bilang kapalit ng ‘tu’ at ‘bo’. Ang Filipino ay madalas manghiram gaya ng paghiram sa mga salitang [jip, jus at edukasyon] na mula sa Ingles na [juice], [jip] at Kastilang [educaÄion].
7. Ang wika at kultura ay magkabuhol at hindi maaaring paghiwalayin.
8. Ang wika ay bahagi ng komunikasyon.
9. Nasusulat ang wika. Bawat tunog ay sinasagisag ng mga titik o letra ng alfabeto. Ang tunog na “bi” ay sinasagisag ng titik na ‘b’. Ang simbolong ‘m’ ay sumasagisag sa tunog na “em”.
10. May level o antas ang wika.Antas ng wika
1. formal at di-formal – di-formal na wika ang wikang ginagamit ng tao sa ka-edad samantalang formal naman ang wikang gingamit ng tao sa nakatataas o nakatatanda
2. lingua franca – wikang ginagamit ng karamihan sa isang bansa; sa Pilipinas ang Filipino ang lingua franca ng mga tao
3. kolokyal o lalawiganin – wikang ginagamit ng mga tao sa lalawigan gaya ng Chavacano, Tausug, Cebuano, Ilonggo, Visaya at iba pa
4. balbal o pangkalye – wikang ginagamit ng tao na halos likha-likha lamang at may kanya-kanyang kahulugan gaya ng wika ng mga tambay at bakla – halimbawa ang mga salitang ‘eklavush’, ‘erpat at ermat’ at ‘cheverloo’.
5. edukado/malalim – wikang ginagamit sa panitikan, sa mga paaralan at pamantasan, sa gobyerno, sa korte at iba pang okasyong profesyunal
Teorya ng pinagmulan ng wika
x. Teorya sa Tore ng Babel – Ang teoryang ito ay nahalaw mula sa Banal na Kasulatan. Ayon sa pagsasalaysay, noong umpisa’y iisa ang wika ng tao na biyaya ng Diyos. Dahil sa nagkakaunawaan ang lahat, napag-isipang magtayo ng isang tore upang hindi na magkawatak-watak at nang mahigitan ang Panginoon. Nang nabatid ito ng Panginoon, bumaba Siya sa lupa at sinira ang tore. Nang nawasak na ang tore, nagkawatak-watak na ang tao dahil iba-iba na ang wikang kanilang binibigkas kaya nagkanya-kanya na sila at kumalat sa mundo.
x. Teoryang Bow-wow – Sinasabi sa teoryang ito na nagkaroon ng wika ang tao dahil noong umpisa’y ginagaya nila ang tunog na nililikha ng mga hayop gaya ng tahol ng aso, tilaok ng manok at huni ng ibon.
x. Teoryang Ding-dong – Maliban sa tunog ng hayop, ginagaya naman daw ng tao ang tunog ng kalikasan at paligid gaya ng pagtunog ng kampana, patak ng ulan at langitngit ng kawayan.
x. Teoryang Pooh-pooh – Ang tao ay nakalilikha ng tunog sanhi ng bugso ng damdamin. Gamit ang bibig, napabubulalas ang mga tunog ng pagdaing na dala ng takot, lungkot, galit, saya at paglalaan ng lakas.
x. Teoryang Yo-he-ho – Isinasaad dito na nagsimula ang wika sa indayog ng himig-awitin ng mga taong sama-samang nagtatrabaho.
x. Teoryang Yum-yum – Sinasabi sa teoryang ito na ang wika ay nagmula sa pagkumpas ng maestro ng musika at sa bawat kumpas ay nagagawa niyang lumikha ng tunog mula sa kanyang labi.
Posted by KADIPAN 0 comments
Pagkakaiba ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo sa iba’t ibang kaligiran
Gaya ng sinasabi ng marami, para sa akin ay talagang mas angat sa mga katangiang pampanitikan at panlipunan ang Noli Me Tangere kaysa sa El Filibusterismo. Tulad ng Noli Me Tangere, ang El Filibusterismo ay may layuning panlipunan. Ang dalawang nobelang ito ay kapwa bunga ng isang uri ng pagbabangon sa katauhan ng bayani, na noong panahong iyon ay maituturing na isang matapang na hakbang sapagkat alipin ang mga Pilipino.
Ngunit kakaiba sa Noli Me Tangere, ang paghahain ng katotohanan sa El Filibusterismo ay naglalayong ang bayan ay magising at maghimagsik, at hindi upang mangarap lamang ng pagbabago. Sa Noli ay may pangarap, may ganda, may damdamin ng pag-ibig, may awa. Sa Fili ay walang madarama kundi ibayong poot, kapaitan na tumitigid sa bawa't munting bahagi ng aklat, na bahagi ng bawat karanasan ng mga mahahalagang tauhan ng nobela.
Sa unang bahagi pa lamang ng nobela ay madarama na ang bumabasa ang tumutupok na damdamin ng pagbabangon. Ito ay kinakatawan ng mayamang mag-aalahas na si Simoun na nilalason ang puso ng layuning gisingin ang bayan upang makapagbangon laban sa pamahalaan. Muling nabuhay si Crisostomo Ibarra ng Noli sa katauhan ni Simoun sa Fili hindi upang mabuhay na muli ang kanyang sinasagisag na ideyalismo, ang kanyang magagandang pangarap sa buhay at pag-ibig. Sa kanyang pagkabuhay, namatay ang katauhan ng isang baguntaong matapos mag-aral nang mahabang panahon sa Europa ay nagnasang magpunla ng pagbabago sa bayan, hindi dahil sa pag-ibig sa bayang inaalipin kundi udyok ng mga dahilang pansarili. Ayon nga sa mananalaysay na si Rafael Palma, "Si Crisostomo Ibarra ng Noli ay hindi katulad ni Simoun ng Fili. Si Ibarra ay nagtitiwala, naghihintay at umiibig. Si Simoun ay hindi na napapadaya, hindi nagtitiwala at napopoot. Si Crisostomo Ibarra ay humihiling na pagbabago, lumalapit sa katarungan at sa kabutihan ng pamahalaan. Si Simoun ay hindi humihiling bagkus nagmamalupit, bumubulok, nagpapabangon sa karahasan, sumisira at nagpapakamatay."
Madaling maunawaan kung bakit may malaking agwat ng pagbabago sa pagitan nina Crisostomo Ibarra ng Noli at Simoun ng Fili. Ang kondisyon ng isip ni Dr. Jose P. Rizal ang magpapaliwanag nito. Maraming malulungkot na karanasan at mapapait na kabiguan ang dinadanas ng ating bayani samantalang sinusulat niya ang El Filibusterismo, at ang mga iyon ay ang mga sumusunod: 1) ang pagmamalupit ng mga paring Dominiko sa mga magsasaka ng Calamba at sa kanyang pamilya; 2) ang pagkamatay ng dalawang Pilipino sa Madrid na sina Felicisimo Gonzales at ang kaibigan niyang si Jose Maria Panganiban; 3) ang away nina Dr. Jose Rizal at Antonio Luna dahil sa isang babae, si Nelly Bousted; 4) ang tunggalian sa pagitan nina Dr. Jose Rizal at Marcelo H. del Pilar sa pamumuno ng Samahan ng mga Kastila at Pilipino; 5) at ang pinakamatindi, ang pagpapakasal ng kanyang kasintahang si Leonor Rivera sa isang inhinyerong Inggles na si Henry C. Kipping.Sa gitna ng mga ganitong kabiguan, kanino kayang puso ang hindi magkakawindang-windang? Gayunman, natapos pa ring isulat ni Dr. Jose P. Rizal ang El Filibusterismo at maluwalhating naipalimbag.
Ngayon, bakit dapat basahin ng mga Pilipino sa kasalukuyang panahon ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo? Ano ba ang mapapala natin sa dalawang aklat na ito?
Una, mataas na uri ng panitikan ang dalawang aklat na ito, partikular na ang Noli. Pangalawa, wala nang iba pang nobelang sinulat tungkol sa lipunan at lahing Pilipino na may sinlawak at singlalim na pagtalakay na tulad ng sa Noli at Fili. Pangatlo, magsisilbi itong salamin upang makita natin ang tunay nating mukha bilang mga Pilipino dahil ang kanser noon ng ating lipunan ay kanser pa rin nating mga Pilipino sa kasalukuyang panahon. Napapanahon pa rin ang mga paksa dito, akma sa ating kalagayan at angkop sa ating sitwasyon. Pang-apat, tigib ito ng mga sindi ng pag-ibig sa bayan na magpapalagablab ng ating nahihimbing na damdaming makabayan.
>Herald ang gumawa nito.. lols
Posted by KADIPAN 3 comments
Republikiang Basahan ni Teodoro Agoncillo
Republika baga itong busabos ka ng dayuhan?
Ang tingin sa tanikala'y busilak ng kalayaan?
Kasarinlan baga itong ang bibig mo'y nakasusi,
Ang mata mong nakadilat ay bulag na di mawari?
Ang buhay mo'y walang patid na hibla ng pagtataksil
Sa sarili, lipi't angkan, sa bayan mong dumaraing!
Kalayaan! Republika! Ang bayani'y dinudusta.
Kalayaan pala itong mamatay nang abang-aba!
Kasarinlan pala itong ni hindi mo masarili
Ang dangal ng tahanan mong ibo't pugad ng pagkasi.
Malaya ka, bakit hindi? Sa bitaya'n ikaw'y manhik,
At magbigting mahinahon sa sarili na ring lubid!
Kalayaan - ito pala'y mayron na ring tinutubo
Sa puhunang dila't laway, at hindi sa luha't dugo!
Humimbing kang mapayapa, mabuhay kang nangangarap,
Sa ganyan lang mauulol ang sarili sa magdamag.
Lumakad ka, hilain mo ang kadenang may kalansing,
Na sa taynga ng busabos ay musikang naglalambing!
Limutin mo ang nagdaan, ang sarili ay taglayin,
Subalit ang iniisip ay huwag mong bibigkasin!
Magsanay ka sa pagpukpok, sa pagpala at paghukay,
Pagkat ikaw ang gagawa ng kabaong kung mamatay.
Purihin mo ang bayaning may dalisay na adhika,
Ngunit huwag paparisan ang kanilang gawi't gawa.
Republika na nga itong ang sa inyo'y hindi iyo,
Timawa ka at dayuhan sa lupain at bayan mo!
Kalayaan! Malaya ka, oo na nga, bakit hindi?
Sa patak ng iyong luha'y malaya kang mamighati!
Sa simoy ng mga hangin sa parang at mga bundok,
Palipasin mo ang sukal ng loob mong kumikirot.
Ksarinlan! Republika! Kayo baga'y nauulol,
Sa ang inyong kalayaa'y tabla na rin ng kabaong?
Repblika! Kasarinlan! Mandi'y hindi nadarama,
Ang paglaya'y sa matapang at sa kanyon bumubuga!
Bawat hakbang na gawin mo sa Templo ng Kalayaan
Ay hakbang na papalapit sa bunganga ng libingan!
Ang paglaya'y nakukuha sa tulis ng isang sibat,
Ang tabak ay tumatalim sa pingki ng kapwa tabak.
Ang paglaya'y isang tining ng nagsamang dugo't luha,
Sa saro ng kagitinga'y bayani lang ang tutungga.
Bawat sinag ng paglayang sa karimlan ay habulin,
Isang punyal sa dibdib mo, isang kislap ng patalim!
Posted by KADIPAN 0 comments
Labels: Republikiang Basahan, Teodoro Agoncillo
Tata Selo ni Rogelio Sikat
Maliit lamang sa simula ang kulumpon ng taong nasa bakuran ng munisipyo, ngunit nang tumaas ang araw, at kumalat na ang balitang tinaga at napatay si Kabesang Tano, ay napuno na ang bakuran ng bahay-pamahalaan. Naggitgitan ang mga tao, nagsiksikan, nagtutulakan, bawat isa’y naghahangad makalapit sa istaked. “Totoo ba, Tata Selo?” “Binabawi niya ang aking saka kaya tinaga ko siya.” Nasa loob ng istaked si Tata Selo. Mahigpit na nakahawak sa rehas. May nakaalsang putok sa noo. Nakasungaw ang luha sa malabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata. Kupas ang gris niyang suot, may mga tagpi na ang siko at paypay. Ang kutod niyang yari sa matibay na supot ng asin ay may bahid ng natuyong putik. Nasa harap niya at kausap ang isang magbubukid, ang kanyang kahangga, na isa sa nakalusot sa mga pulis na sumasawata sa nagkakaguluhang tao. “Hindi ko ho mapaniwalaan, Tata Selo,” umiling na wika ng kanyang kahangga, “talagang hindi ko mapaniwalaan.” Hinaplus-haplos ni Tata Selo ang ga-dali at natuyuan na ng dugong putok sa noo. Sa kanyang harapan, di-kalayuan sa istaked, ipinagtutulakan ng mga pulis ang mga taong ibig makakita sa kanya. Mainit ang sikat ng araw na tumatama sa mga ito, walang humihihip na hangin at sa kanilang ulunan ay nakalutang ang nasasalisod na alikabok. “Bakit niya babawiin ang aking saka?” tanong ni Tata Selo. “Dinaya ko na ba siya sa partihan? Tinuso ko na ba siya? Siya ang may-ari ng lupa at kasama lang niya ako. Hindi ba’t kaya maraming nagagalit sa akin ay dahil sa ayaw kong magpamigay ng kahit isang pinangko kung anihan?” Hindi pa rin umaalis sa harap ng istaked si Tata Selo. Nakahawak pa rin siya sa rehas. Nakatingin siya sa labas ngunit wala siyang sino mang tinitingnan. “Hindi mo na sana tinaga si kabesa,” anang binatang anak ng pinakamayamang propitaryo sa San Roque, na tila isang magilas na pinunong-bayang malayang nakalalakad sa pagitan ng maraming tao at ng istaked. Mataas ito, maputi, nakasalaming may kulay at nakapamaywang habang naninigarilyo. “Binabawi po niya ang aking saka,” sumbong ni Tata Selo. “Saan pa po ako pupunta kung wala na akong saka?” Kumumpas ang binatang mayaman. “Hindi katwiran iyan para tagain mo ang kabesa. Ari niya ang lupang sinasaka mo. Kung gusto ka niyang paalisin, mapaaalis ka niya anumang oras.” Halos lumabas ang mukha ni Tata Selo sa rehas. “Ako po’y hindi ninyo nauunawaan,” nakatingala at nagpipilit ngumiting wika niya sa binatang nagtapon ng sigarilyo at mariing tinakpan pagkatapos. “Alam po ba ninyong dating amin ang lupang iyon? Naisangla lamang po nang magkasakit ang aking asawa, naembargo lamang po ng kabesa. Pangarap ko pong bawiin ang lupang iyon, kaya nga po hindi nagbibigay ng kahit isang pinangko kung anihan. Kung hindi ko na naman po mababawi, masaka ko man lamang po. Nakikiusap po ako sa kabesa kangina, “Kung maari akong paalisin. Kaya ko pa pong magsaka, ‘Besa. Totoo pong ako’y matanda na, ngunit ako po nama’y malakas pa.’ Ngunit... Ay! tinungkod po niya ako nang tinungkod, tingnan po n’yong putok sa aking noo, tingnan po n’yo.” Dumukot ng sigarilyo ang binata. Nagsindi ito at pagkaraa’y tinalikuran si Tata Selo at lumapit sa isang pulis. “Pa’no po ba’ng nangyari, Tata Selo?” Sa pagkakahawak sa rehas, napabaling si Tata Selo. Nakita niya ang isang batang magbubukid na na nakalapit sa istaked. Nangiti si Tata Selo. Narito ang isang magbubukid, o anak-magbubukid, na maniniwala sa kanya. Nakataas ang malapad na sumbrerong balanggot ng bata. Nangungulintab ito, ang mga bisig at binti ay may halas. May sukbit itong lilik. “Pinutahan niya ako sa aking saka, amang,” paliwanag ni Tata Selo. “Doon ba sa may sangka. Pinaalis sa aking saka, ang wika’y tinungkod ako, amang. Nakikiusap ako, sapagkat kung mawawalan ako ng saka ay saan pa ako pupunta?” “Wala na nga kayong mapupuntahan, Tata Selo.” Gumapang ang luha sa pisngi ni Tata Selo. Tahimik na nakatingin sa kanya ang bata. “Patay po ba?” Namuti ang mga kamao ni Tata Selo sa pagkakahawak sa rehas. Napadukmo siya sa balikat. “Pa’no pa niyan si Saling?” muling tanong ng bata. Tinutukoy nito ang maglalabimpitong taong anak ni Tata Selo na ulila na sa ina. Katulong ito kina Kabesang Tano at kamakalawa lamang umuwi kay Tata Selo. Ginagawang reyna sa pista ng mga magbubukid si Saling nang nakaraang taon, hindi lamang pumayag si Tata Selo. “Pa’no po niyan si Saling?” Lalong humigpit ang pagkakahawak ni Tata Selo sa rehas. Hindi pa nakakausap ng alkalde si Tata Selo. Mag-aalas-onse na nang dumating ito, kasama ang hepe ng mga pulis. Galing sila sa bahay ng kabesa. Abut-abot ang busina ng diyip na kinasasakyan ng dalawa upang mahawi ang hanggang noo’y di pa nag-aalisang tao. Tumigil ang diyip sa di-kalayaun sa istaked. “Patay po ba? Saan po ang taga?” Naggitgitan at nagsiksikan ang mga pinagpapawisang tao. Itinaas ng may-katabang alkalde ang dalawang kamay upang payapain ang pagkakaingay. Nanulak ang malaking hepe. “Saan po tinamaan?” “Sa bibig.” Ipinasok ng alkalde ang kanang palad sa bibig, hinugot iyon at mariing inihagod hanggang sa kanang punong tainga. “Lagas ang ngipin.” “Lintik na matanda!” Nagkagulo ang mga tao. Nagsigawan, nagsiksikan, naggitgitan, nagtulakan. Nanghataw na ng batuta ang mga pulis. Ipinasiya ng alkalde na ipalabas ng istaked si Tata Selo at dalhin sa kanyang tanggapan. Dalawang pulis ang kumuha kay Tata Selo sa istaked. “Mabibilanggo ka niyan,” anang alkalde pagpasok ni Tata Selo sa kanyang tanggapan. Pinaupo ng alkalde ang namumutlang si Tata Selo. Umupo si Tata Selo sa silyang nasa harap ng mesa. Nanginginig ang kamay ni Tata Selo nang ipatong niya iyon sa nasasalaminang mesa.\ “Pa’no nga ba’ng nangyari?” kunot-noo at galit na tanong ng alkalde. Matagal bago nakasagot si Tata Selo. “Binabawi po niya ang aking saka, Presidente,” wika ni Tata Selo. “Ayaw ko pong umalis doon. Dati pong amin ang lupang iyon, amin po, naisangla lamang po at naembargo.” “Alam ko na iyan,” kumukumpas at umiiling na putol ng nagbubugnot na alkalde. Lumunok si Tata Selo. Nang muli siyang tumingin sa presidente, may nakasungaw na luha sa kanyang malalabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata. “Ako po naman, Presidente, ay malakas pa,” wika ni Tata Selo. “Kaya ko pa pong magsaka. Makatwiran po bang paalisin ako? Malakas pa po naman ako, Presidente, malakas pa po.” “Saan mo tinaga ang kabesa?” Matagal bago nakasagot si Tata Selo. “Nasa may sangka po ako nang dumating ang kabesa. Nagtatapal po ako ng pitas sa pilapil. Alam ko pong pinanood ako ng kabesa, kung kaya po naman pinagbuti ko ang paggawa, para malaman niyang ako po’y talagang malakas pa, na kaya ko pa pong magsaka. Walang anu-ano po, tinawag niya ako at ako po’y lumapit, sinabi niyang makaalis na ako sa aking saka sapagkat iba na ang magsasaka.” “Bakit po naman, “Besa?” tanong ko po. Ang wika’y umalis na lang daw po ako. ‘Bakit po naman, ‘Besa?’ tanong ko po uli, ‘malakas pa po naman ako, a.’ Nilapitan po niya ako nang tinungkod.” “Tinaga mo na n’on,” anang nakamatyag na hepe. Tahimik sa tanggapan ng alkalde. Lahat ng tingin – may mga eskribiyente pang nakapasok doon – ay nakatuon kay Tata Selo. Nakauyko si Tata Selo at gagalaw-galaw ang tila mamad na daliri sa ibabaw ng maruming kutod. Sa pagkakatapak sa makintab na sahig, hindi mapalagay ang kanyang may putik, maalikabok at luyang paa. “Ang inyong anak, na kina Kasesa raw?” usisa ng alkalde. Hindi sumagot si Tata Selo. “Tinatanong ka,” anang hepe. Lumunok si Tata Selo. “Umuwi na po si Saling, Presidente.” “Kailan?” “Kamakalawa po ng umaga.” “Di ba’t kinatatulong siya ro’n?” “Tatlong buwan na po.” “Bakit siya umuwi?” Dahan-dahang umangat ang mukha ni Tata Selo. Naiyak na napayuko siya. “May sakit po siya?” Nang sumapit ang alas-dose – inihudyat iyon ng sunud-sunod na pagtugtog ng kampana sa simbahan na katapat lamang ng munisipyo – ay umalis ang alkalde upang manghalian. Naiwan si Tata Selo, kasama ang hepe at dalawang pulis. “Napatay mo pala ang kabesa,” anang malaking lalaking hepe. Lumapit ito kay Tata Selo na nakayuko at din pa tumitinag sa upuan. “Binabawi po niya ang aking saka,” katwiran ni Tata Selo. Sinapok ng hepe si Tata Selo. Sa lapag, halos mangudngod si Tata Selo. “Tinungkod po niya ako nang tinungkod,” nakatingala, umiiyak at kumikinig ang labing katwiran ni Tata Selo. Itinayo ng hepe si Tata Selo. Kinadyot ng hepe si Tata Selo sa sikmura. Sa sahig, napaluhod si Tata Selo, nakakapit sa umipormeng kaki ng hepe. “Tinungkod po niya ako nang tinungkod...Ay! tinungkod po niya ako nang tinungkod...” Sa may pinto ng tanggapan, naaawang nakatingin ang dalawang pulis. “Si Kabesa kasi ang nagrekomenda kat Tsip, e,” sinasabi ng isa nang si Tata Selo ay tila damit na nalaglag sa pagkakasabit nang muling pagmalupitan ng hepe. Mapula ang sumikat na araw kinabukasan. Sa bakuran ng munisipyo, nagkalat ang papel na naiwan nang nagdaang araw. Hindi pa namamatay ang alikabok, gayong sa pagdating ng uwang iyo’y dapat nang nag-uulan. Kung may humihihip na hangin, may mumunting ipu-ipong nagkakalat ng mga papel sa itaas. “Dadalhin ka siguro sa kabesera,” anang bagong paligo at bagong bihis na alkalde sa matandang nasa loob ng istaked. “Doon ka siguro ikukulong.” Wala ni papag sa loob ng istaked at sa maruing sementadong lapag nakasalampak si Tata Selo. Sa paligid niya’y may natutuyong tamak-tamak na tubig. Nakaunat ang kanyang maiitim at hinahalas na paa at nakatukod ang kanyang tila walang butong mga kamay. Nakakiling, nakasandal siya sa steel matting na siyang panlikurang dingding ng istaked. Sa malapit sa kanyang kamay, hindi nagagalaw ang sartin ng maiitim na kape at isang losang kanin. Nilalangaw iyon. “Habang-buhay siguro ang ibibigay sa iyo,” patuloy ng alkalde. Nagsindi ng tabako at lumapit sa istaked. Makintab ang sapatos ng alkalde. “Patayon na rin ninyo ako, Presidente.” Paos at bahagya nang marinig ang rehas nguni’t pinagkiskis niya ang mga palad at tiningnan kung may alikabok iyon. Nang tingnan niya si Tata Selo, nakita niyang lalo nang nakiling ito. May mga tao na namang dumarating sa munisipyo. Kakaunti iyon kaysa kahapon. Nakapasok ang mga iyon sa bakuran ng munisipyo, ngunit may kasunod na pulis. Kakaunti ang magbubukid sabagong langkay na dumating at titingin kay Tata Selo. Karamihan ay mga taga-poblacion. Hanggang noon, bawat isa’y nagtataka, hindi makapaniwala, gayong kalat na ang balitang ililibing kinahapunan ang kabesa. Nagtataka at hindi nakapaniwalang nakatingin sila kay Tata Selo na tila isang di pangkaraniwang hayop na itinatanghal. Ang araw, katulad kahapon, ay mainit na naman. Nang magdakong alas-dos, dumating ang anak ni Tata Selo. Pagkakita sa lugmok na ama, mahigpit itong napahawak sa rehas at malakas na humagulgol. Nalaman ng alkalde na dumating si Saling at ito’y ipinatawag sa kanyang tanggapan. Di nagtagal at si Tata Selo naman ang ipinakaon. Dalawang pulis ang umaalalay kay Tata Selo. Nabubuwal sa paglakad si Tata Selo. Nakita niya ang babaing nakaupo sa harap ng mesa ng presidente. Nagyakap ang mag-ama pagkakita. “Hindi ka na sana naparito, Saling” wika ni Tata Selo na napaluhod. “May sakit ka Saling, may sakit ka!? Tila tulala ang anak ni Tata Selo habang kalong ang ama. Nakalugay ang walang kintab niyang buhok, ang damit na suot ay tila yaong suot pa nang nagdaang dalawang araw. Matigas ang kanyang namumutlang mukha. Pinaglilipat-lipat niya ang tingin mula sa nakaupong alkalde hanggang sa mga nakatinging pulis. “Umuwi ka na, Saling,” hiling ni Tata Selo. “Bayaan mo na...bayaan mo na. Umuwi ka na, anak. Huwag ka nang magsasabi...” “Kinabog kagabi,” wika ng isang magbubukid. “Binalutan ng basang sako, hindi nga halata.” “Ang anak, dumating daw?” “Naki-mayor.” Sa isang sulok ng istaked iniupo ng dalawang pulis si Tata Selo. Napasubsob si Tata Selo pagakaraang siya’y maiupo. Ngunit nang marinig niyang muling ipinapakaw ang pintong bakal ng istaked, humihilahod na ginapang niya ang rehas, mahigpit na humawak doon at habang nakadapa’y ilang sandali ring iyo’y tila huhutukin. Tinawag niya ang mga pulis ngunit paos siya at malayo na ang mga pulis. Nakalabas ang kanang kamay sa rehas, bumagsak ang kanyang mukha sa sementadong lapah. Matagal siyang nakadapa bago niya narinig na may tila gumigisang sa kanya. “Tata Selo...Tata Selo...” Umangat ang mukha ni Tata Selo. Inaninaw ng may luha niyang mata ang tumatawag sa kanya. Iyon ang batang dumalaw sa kanya kahapon. Hinawakan ng bata ang kamay ni Tata Selo na umaabot sa kanya. “Nando’n, amang, si Saling sa Presidente,” wika ni Tata Selo. “Yayain mo nang umuwi, umuwi na kayo. Puntahan mo siya, amang. Umuwi na kayo.” Muling bumagsak ang kanyang mukha sa lapag. Ang bata’y saglit na nagpaulik-ulik, pagkaraa’y takot na bantulot na sumunod... Mag-iikapat na ng hapon. Padahilig na ang sikat ng araw, ngunit mainit pa rin iyon. May kapiraso nang lilim sa istaked, sa may dingding sa steel matting, ngunit si Tata Selo’y wala roon. Nasa init siya, nakakapit sa rehas sa dakong harapan ng istaked. Nakatingin sitya sa labas, sa kanyang malalabo at tila lagi nang nag-aaninaw na mata’y tumatama ang mapulang sikat ng araw. Sa labas ng istaked, nakasandig sa rehas ang batang inutusan niya kangina. Sinasabi ng bata na ayaw siyang papasukin sa tanggapan ng alkalde ngunit hindi siya pinakikinggan ni Tata Selo, na ngayo’y hindi na pagbawi ng saka ang sinasabi. Habang nakakapit sa rehas at nakatingin sa labas, sinasabi niyang lahat ay kinuha na sa kanila, lahat, ay! ang lahat ay kihuan na sa kanila...
Posted by KADIPAN 5 comments
Labels: rogelio sikat, tata selo